ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

HS student, napatay sa saksak ng isang grade 6 pupil


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang isang high school student sa Davao City nang saksakin ito ng isang grade 6 pupil sa loob mismo ng isang pampublikong paaralan sa nabanggit na lungsod. Kinilala ang biktima na si Alvin Edirosas, 16 anyos, 2nd year high school student ng Davao City National High School. Nadakip naman ang suspek na isang grade 6 pupil ng Kapitan Tomas Monteverde elementary school. Lumitaw sa imbestigasyon na nagtamo ng saksak sa dibdib ang biktima na dahilan ng pagkamatay nito. Ayon sa mga kaibigan ni Edirosas, may pinuntahan ang biktima sa Kapitan Tomas Monteverde elementary school kung saan naganap ang krimen. Iginiit naman ng minor de edad na suspek na ang biktima ang unang nanakit sa kanya at ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili. Inihayag naman ng class adviser ng suspek na hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng iringan ang grupo ng kanyang estudyante at ng biktima na kadalasang nauuwi umano sa kaguluhan. Ngunit hindi umano niya inaasahan na mauuwi ang lahat sa krimen. Nasa pangangalaga ngayon ng Women’s and Children’s Protection Desk ng San Pedro Police ang batang suspek. -- Jan Bautista/FRJ, GMA News