1 Cafgu, patay, 5 sundalo, sugatan sa pagsabog ng land mine sa Davao del Norte
Patay ang isang kasapi ng paramilitary unit (Cafgu), habang limang sundalo ang nasugatan nang sumabog ang isang landmine sa barangay Gupitan, Kapalong sa Davao del Norte. Kinilala ang nasawing Cafgu na si Rafael Imba. Dinala naman sa Camp Panacan Hospital ang mga nasugatan sina CPL. Rico Ganza, PFC Rex Barte, PFC Roel Guisadio, PFC Jene Gabotero at PFC John Romarate.. Ang mga biktima ay pawang miyembro ng 103rd Brigade ng 10th Infantry Division ng Philippine Army. Ayon sa ulat, rumesponde umano mga sundalo sa Sitio Kawayan, Barangay Gupitan matapos makatanggap ng impormasyon na may nakita doon na mga miyembro ng rebeldeng New Peoples Army. Nagkaroon din umano ng engkwentro ang mga tropa ng pamahalaan at tinatayang 70 kasapi ng NPA na pinaniniwalaang nagtanim na bomba na sumabog sa mga biktima. Patuloy ang ginagawang pagtugis ng militar sa tumakas na mga rebelde. -- Donna Timbal-Senajon/FRJ, GMA News