ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Chief examiner ng BIR sa Urdaneta City, patay sa pamamaril


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang chief examiner ng Bureau of Internal Revenue sa Urdaneta City sa Pangasinan, matapos siyang pagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek sa gate ng kanyang bahay. Apat na tama ng bala mula sa kalibre 9mm na baril ang tumapos sa buhay ng biktimang si Jose Labonete. Binaril siya ng tumakas na suspek dakong 7:30 p.m. sa gate ng kanyang bahay sa isang subdibisyon sa Urdaneta. Ayon sa isang saksi, naganap ang krimen matapos nakipag-inuman ang biktima sa lugar. Sa imbestigasyon ng pulisya, apat na basyo ng bala ang nakuha sa pinangyarihan ng krimen. Sinabi ni P/Supt. Paquito Navarrete, hepe ng Urdaneta City Police, na may nauna nang banta sa buhay na natanggap si Labonete. Hindi rin isinasantabi ng pulisya na baka may kinalaman ang trabaho ng biktima sa dahilan ng pagpaslang sa kanya. Napansin naman ng mga awtoridad na maluwag ang seguridad sa subdibisyon. Malaya raw nakakapasok ang mga tao sa loob ng subdibisyon at nag-iisa lang ang guwardiya nang mangyari ang krimen. Sa datos ng Pangasinan Police Provincial Office, 38 kaso na ng shooting incident ang naitala sa buong lalawigan sa taong ito, kung saan pito rito ay naganap sa Urdaneta City. Iginiit naman ni Navarrete na kontrolado pa rin daw nila ang seguridad at sitwasyon sa lungsod sa kabila ng mga insidente ng pamamaril. –JJSegui, SMFinuliar, GLCalicdan/FRJ, GMA News

Tags: dagupancrime