Oil spill sa La Union at Ilocos, nanggaling daw sa lumubog na barko sa Pangasinan
Nakumpirma na ng Philippine Coast Guard (PCG) na nanggaling sa lumubog na Myanmar vessel sa Bolinao, Pangasinan ang tumagas na langis na umabot sa mga dalampasigan ng ilang bayan sa La Union at Ilocos. Nakumpirma umano ito batay sa resulta ng oil fingerprinting na ipinadala ng PCG sa Environmental Protection Command kung saan positibong tinukoy na nagmula ang oil spill sa lumubog na barko ng Myanmar, ayon kay Capt. Pablo Gonzales ng Coastguard District Northwest Luzon. Dahil dito, isinantabi na rin ng PCG ang mga hinalang baka itinapon lang ang tumagas na langis mula sa mga naglalayag na barko sa lugar. Basahin: Oil spill sa Region I, umabot na sa Ilocos Norte Lumubog ang MV Harita Bauxite sa karagatang sakop ng Bolinao noong nakaraang buwan dahil sa umano'y sobrang bigat ng dala nitong nickel-ore. Sa kabila nito, patuloy ang paglilinis sa mga lugar na naapektuhan ng oil spill. Sa barangay Urbiztondo, San Juan sa La Union, halos wala nang mababakas na latak ng langis sa dalampasigan. Ang San Juan ay isa lamang sa apat na bayan ng La Union na naapektuhan ng oil spill. Ilang bayan din sa Ilocos Norte at Sur ang naapektuhan ng tumagas na langis. “Yung percentage sa clearing operation hindi natin masabi kasi kung minsan, nalinisan na 'yong area, tapos may bumabalik," paliwanag ni Gonzales. –JFPonsoy/GLCalicdan/FRJ, GMA News