Reklamong katiwalian, isinampa laban sa mag-inang Gloria at 'Dato' Arroyo
Sinampahan ng reklamong plunder sa Office of the Ombudsman sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at anak niyang si Camarines Sur Rep. Diosdado "Dato" Arroyo, kaugnay sa umano'y dalawang sablay na infrastructure project na ipinatupad sa nabanggit na lalawigan na nagkakahalaga ng P676 milyong pondo. Sa 17-pahinang reklamong inihain sa Ombudsman nina Atty. Robert Guevarra at Renecio Espiritu Jr., inakusahan nila si Gng Arroyo na gumamit ng pondo ng bayan para isulong ang noo'y kandidatura ng kanyang anak na si Dato na tatakbong kongresista sa ikalawang distrito ng Camarines Sur noong 2010. "The shameless and unconscionable use of the people's money was done in order to create for then presidential son, Dato Arroyo, a political bailiwick in the province of Camarines Sur. Respondents, by their deliberate, brazen and wanton act, treated public funds as if it were private bank accounts to be dispensed as their royalesque caprice and frivolity see fit," nakasaad sa reklamo. Sinikap ng GMA News Online na makuha ang panig ni Gng Arroyo sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita na si Elena Bautista-Horn, pero wala pa silang ibinibigay na pahayag. Sinabi sa reklamo na naglaan si Gng Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga, ng milyon-milyong halaga ng pondo para sa dam, irrigation at bridge projects sa Camarines Sur bilang "birthday gift" umano nito kay Dato noong 2008, na tatakbong kongresista sa 2010 elections. "These projects were rushed in time for respondent Dato Arroyo's re-election bid in 2010... Billions of pesos were spent and wasted as these projects turned out to be economically unviable and damaging to the lives of the residents and the ecosystem found in the affected communities," ayon sa reklamo. Partikular na tinukoy sa reklamo ang Libmanan-Cabusao Dam Project, na dahil minadali umano at kulang sa sapat na pag-aaral, nagdulot ito ng masamang epekto sa kabuhayan ng mga tao sa lugar at maging sa kapaligiran. Batay umano sa ginawang pag-aaral ng Ateneo de Naga University's Institute for Environmental Conservation and Research, sinabing ang paggawa ng dam ay " not justified" dahil magreresulta ito ng pagkawala ng tirahan ang mga residente sa bayan ng Lupi at Sipocot. Bukod dito, sinabi sa pag-aaral na ang proyekto ay magdudulot ng pagkasira sa umano'y "irreplaceable ecosystems and livelihoods" sa nabanggit na mga bayan. Sinuspindi na rin umano ng National Irrigation System ang naturang proyekto "due to its social unacceptability." Bukod sa dam, isinama sa reklamo laban sa mag-inang Arroyo ang Skybridge Project na mag-uugnay sa apat na lugar sa Camarines Sur, na hanggang ngayon ay hindi pa umano natatapos dahil itinayo sa umano'y malambot na bahagi ng lupa. Nakasaad din sa reklamo na maliban sa "undue injury to the government" na idinulot ng mga proyekto, sinabing nagbigay din iyon ng "undue advantage" kay Dato kontra sa kanyang mga nakalaban sa halalan. — FRJ, GMA News