Pamahalaang panlalawigan ng La Union, desididong kasuhan ang may-ari ng barko na dahilan ng oil spill
Sinimulan na ng pamahalaang panlalawigan ng La Union ang pangangalap ng ebidensya para sa agarang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa may-ari ng Myanmar vessel na MV Harita Bauxite na lumubog sa kagaratang sakop ng Bolinao, Pangasinan. Ang hakbang ay ginawa ng pamahalaang panlalawigan makaraang kumpirmahin ng Philippine Coast Guard na nagmula sa nabanggit na barko ang tumagas na langis na umabot sa La Union, Ilocos Norte at Sur, at sa ilang barangay sa Bolinao. Ayon kay Adamor Dagang, provincial information officer ng La Union, idudukumento nila ang nangyari at ang pangmatagalang epekto ng oil spill sa karagatan na higit umanong nakakatakot. Nitong Martes, nagpulong ang mga opisyal ng La Union, coastguard at iba pang ahensya na tumutulong sa imbestigasyon kaugnay sa ihahaing reklamo sa lumubog na barko. Inihayag naman ng kinatawan ng insurance firm na handa nilang bayaran ang lahat ng danyos sa naganap na oil spill. “Ang order ni governor, we will build a case muna (at) ipresent natin sa court, follow due course of law. We will make sure kung sino ang may kagagawan nito ay mananagot sa batas," giit pa ni Dagang. Pero mahihirapan umano ang lokal na panlalawigan na masampahan ng kasong kriminal ang may-ari ng barko at ang mga tripulante nito, ayon sa PCG. Paliwanag ng PCG, wala umano silang nakitang paglabag sa panuntunan na ginawa ng barko sa paglalayag at nasunod din ang tamang ruta nito. “International voyage. I assume alam naman nila ang dadaanan nila eh…They passed normal route from Zamboanga straight," paliwanag ni Capt. Pablo Gonzales ng PCG District Northwest Luzon. Wala rin umanong pananagutan ang mga tripulante sa paglubog ng barko. “Sinampa ng alon, nabasa ang kargamento niya basically buhangin, nabasa, bumigat…Even 'yong mga kotse, tumitirik sa kalye even with no apparent reason, walang may kagustuhan na mangyari ito," dagdag ni Gonzales. – JFPonsoy/GLCalicdan/FRJ, GMA News