GMA News Online
Showbiz

Mga pagsubok na pinagdaanan sa buhay ni Alden Richards, ilalahad sa Magpakailanman

March 6, 2013 8:07pm

Sa Sabado, alamin ang pighating nakakubli sa likod ng mga ngiti ng Kapuso young actor na si Alden Richards sa pagtalakay sa kanyang buhay sa Magpakailanman.

Isa si Alden sa mga mahuhusay na aktor ng kaniyang henerasyon, kaya naman hindi nakapagtataka na maganda ang takbo ng kaniyang career.

Sa Magpakailanman, malalaman kung papaano hinarap ni Alden ang mga pagsubok na pinagdaanan sa kanyang buhay bago niya narating ang tagumpay na nararanasan niya ngayon.

Kabilang sa mga pagsubok na ito ay ang pagkakaroon ng malubhang karamdaman ng kaniyang ina na hindi nawalan ng pag-asa na makakapasok at magiging matagumpay sa showbiz ang kaniyang anak na si Alden.

At sa kabila ng kanyang kagustuhang makatapos ng pag-aaral, mahahati ang kanyang atensiyon sa pag-aartista dahil sa pangakong kanyang bibitawan sa maysakit na ina.

Sa direksiyon ni Gina Alajar, gagampanan mismo ni Alden ang kanyang buhay at makakasama niya ang mga batikang artista na sina Jackielou Blanco at Mark Gil. - FRJ, GMA News