GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV/AIDS, ikinabahala ng mambabatas

March 6, 2013 9:31pm
Nanawagan sa pamahalaan ang isang mambabatas na maglunsad ng ibayong information campaign kaugnay sa patuloy na pagtaas ng kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa bansa.

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Luzviminda Ilagan, mahalagang mabigyan ng sapat na kaalaman ang publiko tungkol sa nakamamatay na sakit upang mapigilan ang pagkalat nito.

Batay umano sa pinakahuling tala ng Philippine HIV and AIDS Registry, may panibagong 380 kaso ng HIV nitong Enero pa lamang. Sa naturang bilang, 307 ang nakuha sa pamamagitan ng MSM o males-having-sex-with males.

Sinabi ni Ilagan na kailangang ituro na sa mga kabataan ang sex education.

“This sex education should be conducted extensively in high school and college," pahayag ng kongresista.

INFOGRAPHIC: The state of HIV/AIDS in the Philippines

Bukod dito, dapat umanong isama ang usapin ng HIV/AIDS cases sa Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) na ibinibigay sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sa panibagong tala, sinabing 37 bagong HIV cases ay nagmula sa mga manggagawa mula sa ibang bansa.

Maging ang mga komunidad ay kailangan na rin umanong isama sa isasagawang massive information campaign tungkol sa HIV/AIDS.

“The AIDS councils as mandated by law in local government units (LGUs) should be formed where they are absent or should be strengthened where they already exist," ani Ilagan.

Naniniwala naman si Compostela Valley Rep. Ma. Carmen Zamora, na makatutulong ang bagong Reproductive Health (RH) law para sa pagsasagawa ng information campaign tungkol sa nakamamatay na sakit.

“In sum, it was discussed that protected sexual interaction can be available if both education and responsible access to contraceptive devices were provided as a social service to the public," paliwanag ni Zamora.

“While it may take a while before we see the results, we are confident that the incidence of infection, disease, maternal mortality and unwanted pregnancies will decline in the future through RH intervention and education," dagdag nito sa pahayag. - RP/FRJ, GMA News