GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy
»
Sabah Conflict

Mga tagasunod ni Kiram, 'di raw tinawag ni Del Rosario na 'terorista'

March 6, 2013 10:08pm
Pinabulaanan ng Department of Foreign Affairs nitong Miyerkules ang balitang tinawag ni DFA Secretary Albert del Rosario na terorista ang mga tagasunod ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III na nasa Sabah, Malaysia.

Sa isang pahayag, itinanggi ng DFA ang ulat ng state-run Bernama news agency ng Malaysia na sumang-ayon si del Rosario na tawaging terorista ang mga Pinoy na kasama sa kaguluhan sa Sabah.

“According to (Philippine ambassador to Malaysia Jose Eduardo III) Malaya who was present during the meeting, the report is out of context and the Secretary did not label the Filipino group as ‘terrorists,’" paliwanag sa pahayag.

Idinadag ng DFA, na maaaring nagkamali ang Bernama sa sinabi ng kalihim tungkol sa "terroristic act" sa Semporna, kung saan naganap ang ambush noong Sabado. Ayon sa DFA, base sa ulat ng Malaysian Foreign Minister, ang mga pulis ay na-ambush sa lugar at brutal na napatay.

"If indeed the atrocities were committed as reported to him, the Secretary and the Foreign minister both agreed that these were, at the very least, terroristic acts," paglilinaw ng DFA.

'Shared position'

Nitong Martes ng gabi, nakasaad sa Twitter account ng Bernama news agency ng Malaysia na sinabi umano ni del Rosario na sumasang-ayon ito sa Malaysia na dapat tawaging mga terorista ang grupo.

"Malaysia considers the armed Sulu intruders as terrorists, and this was shared by Philippine Foreign Secretary Albert F. Del Rosario," ayon sa news agency.

Sa susunod na tweet ng Bernama, nakasaad naman ang pahayag ni Malaysian Foreign Minister Anifah Aman na nagsabing sumang-ayon si del Rosario sa kanilang posisyon.

Tumagal ng tatlong linggo ang standoff sa Sabah na nauwi sa sagupaan ng mga tagasunod ni Kiram at tropa ng Malaysia.

Noong Martes, pinasok ng Malaysian security forces ang lugar kung saan pinaniniwalaang nananatili ang mga tagasunod ni Kiram.

Samantala, nakipagpulong si del Rosario nitong Lunes ng hatinggabi sa dalawang Malaysian ministers upang talakayin ang mga "mapayapang" pamaraan upang malutas ang sitwasyon.

Sa isang pahayag ng DFA, sinabing nakipagpulong si del Rosario sa mga kalihim ng Malaysia na sina Dato Sri’ Anifah Aman (Foreign Minister) at Dato’ Seri Dr. Ahmad Zamid Hamidi (Defense Minister).

Kooperasyon

Ayon sa DFA, ang mga tagasunod ni Kiram na sasampahan ng kasong murder sa Malaysia ay bibigyan ng "necessary assistance" ng gobyerno ng Pilipinas.

Sa ngayon, umapela ang Philippine Embassy sa Kuala Lumpur sa mga Pilipino sa Sabah na manatiling kalmado at sundin ang mga patakaran ng mga lokal na awtoridad.

Dagdag nito, nananatiling matibay ang relasyon ng Pilipinas at Malaysia, at ipagpapatuloy pa rin ng dalawang bansa ang pagpapabuti ng kanilang bilateral relations.

"The Secretary believes that a close cooperation between the two countries is necessary for dealing with the challenges presented by the current issue," ayon sa pahayag.

Idinagdag ng DFA, na hindi maaapektuhan ng kaguluhan sa Sabah ang isinusulong peace process sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News



advertisement
advertisement
advertisement