GMA News Online
Ulat Filipino
»
Bicol

Bata, aksidenteng nalibing ng buhay sa Albay

March 6, 2013 10:30pm

Tags: Albay
Aksidenteng nalibing ng buhay ang isang batang limang-taong-gulang sa Libon, Albay nang mahulog ito sa isang hukay sa construction site at natabunan ng lupa ng isang bulldozer.

Sinabing papunta sa eskuwelahan ang bata upang mag-practice sa graduation rites nang mapadaan ito sa isang construction site na nagsasagawa ng clearing operation sa barangay Magallang nitong Martes.

Nahulog umano ang bata sa hukay habang naglalaro at nagkataon naman na dumating ang bulldozer na tumulak sa lupa na itinabon sa hukay kung saan nahulog ang bata.



Ayon sa mga batang kalaro ng biktima, sumigaw pa sila sa operator ng bulldozer na si Michael Ajenla para ipaalam na nandoon ang biktima ngunit hindi sila narinig nito.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras, iginiit ng pamunuan ng paaralan na hindi sila nagkulang sa pagbibigay ng paalala sa mga bata na huwag maglaro sa construction site na katabi lang ng paaralan.

Hinahanap naman ng pulisya si Ajenla na tumakas matapos ng insidente.

Samantala, pinag-aaralan naman ng ama ng biktima kung magsasampa ng kaso laban sa construction firm na Legazpi Premium Development Corporation.

Wala pang pahayag na ibinibigay ang kumpanya kaugnay sa nangyaring aksidente. - FRJ, GMA News

Tags: Albay