GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Local media practitioner sa Cavite, sugatan sa pamamaril sa Bacoor

March 7, 2013 12:33am

Tags: Cavite
Malubhang nasugatan ang isang lokal na mamamahayag sa lalawigan ng Cavite nang barilin ito ng riding-in-tandem sa Bacoor City nitong Miyerkules ng umaga.
 
Kinilala ang biktima na si Jun Valdecantos, na dinala sa Medical Center ng Imus matapos barilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek dakong 9:20 a.m. sa barangay Zapote.
 
Sinabing naghihintay ng kanyang masasakyan si Valdecantos sa Aguinaldo Highway nang tumigil sa harapan nito ang isang motorsiklo at paputukan ang biktima.
 
Ayon sa National Union of Journalists in the Philippines, stable ang kalagayan ni Valdecantos na dati rin umanong nagsulat sa mga pahayagang People's Tonight at Imbestigador.

Sa hiwalay na pahayag, kinondena ng National Press Club ang panibagong pag-atake sa miyembro ng media, at nanawagan sa pamahalaan na bumuo ng "super body" na magsisiyasat sa mga kaso ng karahasan sa mga mamamahayag.
 
“Hangga’t nanatiling bingi ang gobyernong Aquino sa panawagan ng NPC para sa pagtatayo ng isang espesyal na kagawaran na tututok at reresolba sa mga insidente ng pamamaslang at marahas na pag-atake sa mga kagawad ng media, nangangamba kami na darami pa ang mga ganitong insidente,” ayon kay Benny Antiporda, presidente ng NPC.
 
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso ni Valdecantos at hindi umano inaalis ang posibilidad na may kinalaman sa kanyang trabaho o personal na away ang dahilan ng pamamaril.
 
Batay sa talaan ng NUJP, umabot sa 15 journalists ang napapatay sa ilalim ng termino ni Pangulong Benigno Aquino III mula nang maupo ito sa puwesto noong June 2010.
 
Samantala, nasa 104 naman ang bilang ng mga nasawing mamamahayag sa ilalim ng siyam na taong termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo—FRJ, GMA News

Tags: Cavite