GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy
»
Sabah Conflict

FVR, obispo, pinayuhan si PNoy na kausapin si Kiram

March 7, 2013 12:36am
Inihayag ni dating Pangulong Fidel V. Ramos at obispo ng Simbahang Katoliko na makabubuti kung kakausapin na ni Pangulong Benigno Aquino III si Sulu Sultan Jamalul Kiram III upang matigil na ang kaguluhan sa Sabah.

Sa panayam sa telebisyon nitong Miyerkules, sinabi ni Ramos na dapat kausapin ni Aquino si Kiram para personal nitong malaman ang mga hinaing ng sultan na matagal nang umaangkin sa Sabah.
 
"Kung may imbitasyon si Pangulong Aquino [from Kiram], e mag-usap na kayong dalawa nang masinsinan,” payo ni Ramos.

Hindi rin umano dapat ikonsiderang kriminal ang mga tagasuporta ni Kiram para mahikayat silang bumalik na sa Pilipinas, ayon pa sa dating pangulo.
 
Kasabay nito, umapela rin si Ramos kay Kiram na makinig din sa pamahalaan ay pabalikin na sa bansa ang kanyang mga tagasuporta na nasa Sabah.
 
Mahalagang mag-usap
 
Sa panayam ng Radio Veritas, naniniwala naman si Cotabato Auxiliary Bishop Jose Collin Bagaforo, na susundin ni Kiram ang pakiusap ni Aquino sa sandaling magkausap ang dalawa.
 
Ayon sa obispo, dapat pakinggan ng pangulo ang pakiusap ni Kiram at naniniwala siya na pakikinggan din ni Kiram ang pakiusap ng gobyerno na pabalikin sa bansa ang mga tagasunod nito na nasa Sabah.
 
Idinagdag ni Bagaforo na hindi rin tama na sisihin ang mga Pilipino sa naganap na karahasan sa Sabah at pagbantaan sila na kakasuhan kapag umuwi.
 
“Hindi na panahon ng pagsisihan ngayon, walang kabutihang maidudulot 'yan. Palagay ko ang mahalaga ay kausapin ang Sultan ng Pangulong Aquino. Iyon ang importante na maaring makapipigil ng kaguluhan sa Sabah,” pahayag niya.
 
Iminungkahi naman ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na huwag nang magsalita ang mga opisyal ng pamahalaan na walang karanasan o hindi bihasa sa diplomasya sa usapin ng Sabah.
 
Puna ng arsobispo, malaking kaguluhan na umano ang idinulot ng mga mali-maling pahayag ng Palasyo tungkol sa problema.
 
“Ang akin lang pakiusap, puwede ba itong Malakanyang ay tumahimik at tumabi at pagitnain ang mga tao na mayroong karanasan sa diplomasya kahit itong mga taong ito ay hindi taga-Pilipinas, kahit ito’y tagalabas ng bansa higit sa lahat kung ito’y taga-United Nations," hiling ni Cruz.- MP/FRJ, GMA News