Tanod, patay matapos barilin umano ng pulis
Patay ang isang 35-anyos na barangay tanod ng barangay Wari-wari, sa bayan ng New Lucena, Iloilo matapos na barilin umano ng isang pulis.
Ayon sa guwardiya na nagbabantay sa lupain na pag-aari ng suspek na pulis na si PO3 Angelino Lusaya, nagpipilit umanong makapasok ang biktimang tanod na si Joan Suguan.
Sa kabila ng pakiusap ng guwardiya na maging mahinahon, naghamon umano ng away ang biktima at pilit na pinapalabas si Lusaya, na nakatalaga sa Crime Laboratory ng Police Regional Office 6 (PRO6).
Ang panggugulo umano ng biktima ang nagtulak sa pulis na barilin ang biktima na dahilan ng pagkamatay nito.
Ilang oras matapos ang krimen, kusang sumuko si Lusaya sa kanyang hepe pero tumanggi na itong magbigay ng pahayag.
Hindi naman makapaniwala ang asawa ng biktima sa ginawa ng pulis dahil maganda naman daw ang pakikitungo ni Saguan sa suspek.
Desidido ang pamilya ng biktima na sampahan ng kaso ang pulis. - Carol Velagio/FRJ, GMA News