Lahat ng natabunan sa landslide sa Leyte, nakita na
Natapos na ang search and retrieval operation sa naganap na landslide sa geothermal power project sa Kananga, Leyte na naganap noong nakaraang linggo matapos matagpuan nitong Huwebes ng madaling-araw ang mga labi ng dalawang huling nawawalang trabahador. Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing umabot sa 14 katao na pawang nagtatrabaho sa nasabing proyekto ang nasawi sa trahedya. Sa hiwalay na text message sa GMA News Online, kinilala ni Alberto Ignacio Jr., geothermal projects division vice president ng construction firm na First Balfour, ang nakuhang mga labi nitong Miyerkules na sina Salvador Lascañas Jr., Alfredo Arabis, Romeo Yazar at Danilo Mabuti. Umaga naman ng Huwebes nang makita ang mga labi ng huling nawawalang mga trabahador na sina Salvador Yabana at Jorden Salcedo. "We are extending full assistance to the family for funeral/burial expenses. We have also assigned staff to be with the families as we did for the rest who were earlier recovered," ani Ignacio. Samantala, patuloy naman na nagpapagaling ang mga trabahador na nakaligtas sa landslide. Hinihinala naman ng Department of Energy na may kinalaman ang naganap na pagyanig ng lupa sa lugar sa naganap na landslide. Nauna nang sinabi ng Energy Development Corporation na ilang araw nang umuulan sa lalawigan nang maganap ang trahedya. - FRJ, GMA News