Batang magkapatid, nasawi sa sunog sa Cebu
Kalunos-lunos ang sinapit ng isang magkapatid na nasawi matapos silang makulong sa nasusunog nilang bahay sa bayan ng Compostela sa Cebu nitong Biyernes. Sa ulat ng dzBB radio nitong Sabado, kinilala ang mga biktima na sina Julito Dejesica, 14-anyos, at Maricar, 2, na nakulong sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Cabadiangan sa Compostela. Hinihinala ni SFO4 Danilo Almendra, na napabayaang niluluto ang dahilan ng sunog. Wala umano ang magulang ng mga biktima nang mangyari ang insidente. Naging mabilis din umano ang pagkalat ng apoy sa bahay dahil gawa lang ito sa light materials. Naniniwala rin ang mga imbestigador na tinangkang sagipin ni Julito ang batang kapatid pero nahirapan ito dahil sa kanyang kapansanan bilang polio victim. - FRJ, GMA News