Dingdong Dantes, hindi naging madali ang papel sa 'Pahiram ng Sandali'
Kaabang-abang diumano ang nalalapit na pagtatapos ng GMA Telebabad program na "Pahiram ng Sandali" kung saan bida sina Dingdong Dantes, Ms. Lorna Tolentino at Max Collins. Ayon sa Kapuso lead actor, hindi raw naging madali para sa kanya ang kanyang ginampanang papel dahil kailangan daw ng matinding motivation para rito. Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes, isa raw sa naging inspirasyon ni Dingdong rito ay ang kanyang mga katrabaho dahil suportado raw ng buong cast ang isa't-isa kaya naman naging successful ang takbo ng programa. Wika pa nito sa panayam ng H.O.T. TV na umere nitong Linggo, "I've learned so much doon sa mga nakatrabaho ko and that's something na talagang mahirap kalimutan." Kaya naman nang maaksidente ang kanyang katrabaho na si Julio Diaz, walang alinlangang nag-abot ng tulong si Dingdong sa kapwa aktor. Magugunitang nabalian ng balakang si Julio matapos maaksidente sa isang shooting. Sinagot ni Dingdong ang mga gastos sa operasyon ni Julio, na nasa maayos na kalagayan na ngayon, kaya naman lubos na nagpasalamat ito sa kanya. "Si Dingdong, he was the one, 'yung nag-pledge na they're going to give me, somehow, financial support and he did," batid ni Julio. — Mac Macapendeg/KBK, GMA News