Pawikan soup, ibinibenta sa isang lugar sa Cebu
Sa kabila ng batas na nagbabawal sa paghuli, pagbebenta at pagkain ng endangered na pawikan, talamak pa rin daw ang bentahan ng pawikan soup sa mga karinderya sa Barangay Pasil sa Cebu city. Sa ulat ni Randy Gullon ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing binabalik-balikan ng mga parokyano ang nilagang pawikan o pawikan stew na pinaniniwalaang aphrodisiac o nakakapagpagana sa sex. Kabilang umano sa mga parokyano ng pawikan soup ay ilang kawani mismo ng munisipyo at pati na mga pulis. Pag-amin ng ilang nagtitinda sa karinderya, dinadala sa kanila ng mga mangingisda ang kinatay na pawikan na naibebenta ang karne sa halagang P250 hanggang P350 bawat kilo. Sa ilalim ng Wildlife Resources, Conservation and Protection Act, labag sa batas ang paghuli, pagbebenta at pagkain ng pawikan dahil ikinukonsidera na itong endangered. Inihayag naman ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Cebu na matitigil lang ang pagbebenta ng pawikan soup kung titigil din ang mga tao sa pagtangkilik ng nasabing putahe. - FRJ, GMA News