ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Full Transcript: Marwil Llasos on 'Kandidato 2013'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Marwil Nacor Llasos is one of the newcomers in the 2013 senatorial elections and at 35 years old, he is also one of the youngest.

This Bicolano is a lawyer by profession. He practiced for several years in various private and public offices before teaching at Centro Escolar University and Sienna College.

If being a lawyer is his profession, being a consecrated lay person is his calling. This Marian devotee says his goal is to create a secular world that practices the values of the church.

In his interview for GMA News and Public Affairs special election series “Kandidato 2013,” Llasos discussed his stand on agrarian reform, political dynasties, and the recent Sabah crisis.

Below is the full transcript of his interview.

--

ARNOLD CLAVIO (AC): Magandang gabi po, mga Kapuso. Ang makakasama po natin ngayong gabi, Atty. Marwil Llasos ng Kapatiran. Kandidato. Magandang gabi po, Atty. Llasos.

MARWIL LLASOS (ML): Magandang gabi, mga Kapuso. Magandang gabi, Arnold at magandang gabi, Howie.

AC: Hindi biro itong pagtakbo ninyo, ano? Kung ‘di anak ng dating politiko, mga re-electionist. So, sa tagal n’yo nang na-expose sa mga senatorial forum, sa mga interview, nare-recognize rin ho ba kayo ng publiko?

ML: May mga pagkakataon na ganon ano. Kasi ako, very private person ako, Arnold. Mahilig ako maglakad sa mall na nag-iisa lang ano. Pero ngayon may mga nakakasalubong sa akin na sinasabi na, “Nakita kita sa ‘Unang Hirit.’ Nakita kita sa ‘News To Go.’”  So tumataas yung recognition rate ko. So natutuwa naman ako sa ganon. It's a very new experience for me.

On his first bid for office

AC: Pero sa ngayon, yung ibang mga manonood, paano ba nila dapat … Sino ba si Atty. Llasos? Saan ba ito nanggaling at bakit biglang ito yung unang attempt mo sa  Senado agad, hindi local o ano mang posisyon?

ML: Actually, yung pinakahuli kong tinakbuhan, Sangguniang Kabataan Chairman pa ano. Nung 1992 pa. Kahit na mayor, hindi ko pinangarap na tumakbo. Kahit congressman, kahit kagawad man lang ng barangay. So nagkataon lang na na-invite ako ng partido na tumakbo sa pagka-senador. Talagang hesitant ako, reluctant. In fact, ang una kong sagot ay, “Hindi.”  But eventually, I was prevailed upon to run and when I made the decision, sabi ko, “Go na ‘to.” Kumbaga, naambunan na, magpaulan na ng tuluyan at maligo na ng husto. ‘Yun ang aking karanasan sa pagtakbo.

AC: And so far, kumusta ho ang experience sa pag-iikot ninyo?

ML: Okay naman, although ang Kapatiran, ‘yung aming provincial sorties, hindi pa naman masyadong sunod-sunod. Pero on my personal efforts, ako ay pumunta sa Mindanao. Nagsimula ako ng aking kampanya sa Mindanao kasi parang gusto kong ipakita sa mga kababayan natin sa Mindanao na mas importante sa akin ang peace and development ng southern part of the country. Galing ako sa Gen San. Galing ako sa Koronadal at galing din ako sa Davao.

On political dynasties

HOWIE SEVERINO (HS): May platform kayo na anti-political dynasty, tama po ba?

ML: Tama po, may ganun kaming platform. In fact, isa yan sa aming core advocacies. Kung ‘di man ‘yan maipasa ng Kongreso, at least pinapausad namin yung people's initiative to prohibit political dynasties once and for all.

HS: Pero ‘yung isang mataas na opisyal o isang respected member ng ang Kapatiran Party na colleague n’yo sa senatorial race, si JC delos Reyes, ay miyembro po ng Gordon clan na masassabi nating isang political dynasty. Pero paano n’yo nare-reconcile ‘yung inyong links to JC delos Reyes at ‘yung inyong stand against political dynasties?

ML: Actually, this is a better question to be asked to JC. I cannot preempt his answer. Pero sa tingin ko naman kasi, si JC, ‘yung pagtakbo n’ya sa politika, ito ay laban mismo sa kanyang sariling dinastiya, sa kanyang sariling clan. In fact, hindi well-received ng kanyang pamilya at alam naman natin na ‘yung isa ay kumakandidato rin sa pagka-senador. So anyway, kung maipapasa yung batas against political dynasty, magpapakita ng ehemplo si JC delos Reyes, una s’yang bababa. So kailangan talaga ng politics by example sa ating bansa.

HS: Pero habang wala pang batas, it's okay? Kahit in principle [sic] na ito ng saligang batas?

ML: Yes, that's right. At talaga namang nakakalungkot isipin dahil under the 1987 constitution, article 2 section 26, talagang sinasabi na dapat magkaroon ng equitable access o equal access to public opportunities and shall prohibit political dynasties as may be defined by law. So wala lang enabling legislation ngayon. Kaya kaliwa’t kanan ‘yung pagtakbo ng mga pamilya na iisa lamang ang kanilang apelyido. More than 75 percent ng ating Kamara ay bahagi ng political dynasty.

On his religious life

AC: Atty. Llasos, bilang abogado, meron pa po yata kayong pinagkakaabalahan. Simbahan po yata, ano? Isa kayong Marian devotee at lay person. So parang buhay pari na rin ho kung tutuusin, ano? So hindi ba ito kumokontra na ang tinatakbo n’yo, lehislatura naman? Kasi ‘di ba, pinagbabawal sa pari, ‘yung ibang religious leader kasabay n’yo na rin. So wala bang conflict ho yun?

ML:  Ako kasi, Arnold, hindi ako ordained na ministro ng simbahan. Hindi ako pari. Ako ay isang consecrated lay person. So ako ay lay person kagaya mo, pero may vows ako na nasa labas. Kumbaga, ang gusto naming gawin ay to endow the secular society or the secular world with the values of the church. At ako naman ay naniniwala na kapag ang isang tao ay mabuting Katoliko ay mabuting mamamayan ng bansa. Magandang dalhin yung mga batayang pananampalataya, lalo na sa social doctrine dito sa ating pamamaraan ng politika. Halimbawa, ‘yung ating care for the environment, very important ‘yan. ‘Yung paglaban natin sa korapsyon. ‘Yung agrarian reforms sa ating magsasaka. Ito ay mga social doctrines of the church na may political implication. So papalawigin lang natin sa larangan tinawag ako sa ngayon.

AC: Sa mga kasama mo, sa kasabayan mo sa kampanya, wala ka bang makitang kalinya mo rin pagdating sa takot sa Diyos?

ML: Alam mo, kami sa Kapatiran, masasabi ko na kaming tatlo, merong ganyan ano. Pero hindi namin sinasarili. At sa labas ng Kapatiran, meron akong mga nakikita na may takot sa Diyos at ‘yan ay napaka-importante. Irrespective of your political party, dapat meron kang takot sa Diyos because the fear of God is the beginning of knowledge at ‘yan ang kinakailangan ng ating bansa.

On his expertise in international law

AC: Sa pagiging abugado naman po, ano ang inyong pinagkaka-abalahan? May kanya-kanyang ano ‘yan eh. Sa inyo po, ano pong expertise n’yo?

ML: Ako, ang expertise ko talaga ay international law dahil ‘yun ang aking post-graduate diploma. At maliban d’yan, ako ay aficionado ng constitutional law so talagang I view myself as a constitutionalist. At sa legal profession, talagang napaka-comprehensive ng aking background kasi halos lahat pinasukan ko when I was looking for a niche in the legal profession. Nandoon ako sa legal education as a professor of law and lecturer. Ako ay nag-corporate law. Ako ay nag-litigation as a partner of a law firm. Pero at the end of the day was... doon yung puso ko, Arnold. Gusto ko ‘yung paglilingkod talaga sa taong bayan. Kaya ang ginawa ko, pumasok ako ng NGO.  Ako ay kabahagi ng initiatives for dialogue and empowerment through alternative legal services. Kami ay mga lawyer na alternatibo ang pananaw sa batas at tinutulungan namin yung mga napag-iwanan na ng lipunan tulad ng mga magsasaka, mga migrant workers at tumutulong din kami sa mga environmental protection. So kaunti man ang sweldo, busog naman ako sa self-fulfillment at nararamdaman ko na mas marami akong nagagawa kaysa isang litigation lawyer lamang.

AC: Pero sa senado, hindi na magiging kaunti ang sweldo mo.

ML: Hindi ko alam actually, Arnold. Hindi ako nagtanong kung magkano ang sweldo at ang alam ko lang, ay ang PDAF at ‘yun naman ay hindi ko tatanggapin.

On the West Philippine Sea and Sabah Standoff

AC: Balikan ko lang ‘yung sa international law, baka abutin mo, kung palarin, nand’yan yung West Philippine Sea at ‘yung stand-off doon sa Sabah. Anong nakikita mong pwedeng maging posisyon natin d’yan? Unahin natin ‘yung recent, ‘yung sa Sabah na kini-claim daw na pag-aari ng Pilipinas. Ano bang nasa international law?

ML: Actually, ang Sabah kasi talaga, may proprietary right d’yan ang Sultanate of Sulu dahil ‘yan ay seeded ng Sultan of Brunei sa pagtulong ng Sultan of Sulu to quell a rebellion in their kingdom. So ‘yan ay ibinigay sa Sultanate of Sulu. Kaya lang, ‘yan ay nile-lease ano, sa British North Borneo Company at nung ang Malaysia noong 1963 ay nag-federate at naging independent na bansa, ‘yan ay ibinigay ng Britanya sa Malaysia pero kinikilala pa rin ng Malaysia ang proprietary right ng Sultanate of Sulu. Hanggang ngayon, nagbabayad sila ng renta.

AC: Nagbabayad sila 5,300 yata, ano?

ML: Napaka-minimal lang o aabot lang yata ng P70,000. Pero under international law, masyadong masalimuot ang proseso. Hindi kagaya dito na kahit sino pwede mong idemanda if you feel aggrieved. Kasi kung dadalhin mo ‘yan sa International Court of Justice, dapat may consent ‘yung Federal Republic of Malaysia. So, sino ba naman ang magbibigay ng consent? So ang tingin ko d'yan, dapat daanin sa diplomasya, bilateral talks with the Republic of the Philippines and Malaysia, and eventually to come into terms of how to resolve that. At sa tingin ko, ngayon hindi pa yan priority ng ating pamahalaan. Kaya nga 'yung mga ibang tao sa Sulu, they are taking the law into their own hands. Siguro, kailangang mapansin dahil iba naman 'yung issue at medyo malisyoso 'yung ating pagtanaw sa nangyayaring ganyan ngayon.

On the Cybercrime Law

HS: So nabanggit n'yo na nagtuturo kayo ng constitutional law. 'Yung cybercrime law ngayon ay nasa Korte Suprema with Temporary Restraining Order at dapat i-deliberate ng Supreme Court ang constitutionality nito. Where do you stand on the cybercrime law? Is it constitutional or not?

ML: I am on record that it is unconstitutional–at least most of its provisions. At gusto kong sabihin na may mga magagandang probisyon 'yan. At hindi naman lumalabag sa Saligang Batas. Pero sa tingin ko, mas preponderant 'yung unconstitutional provisions kagaya halimbawa yung take down provision at even yung Solicitor General ay umamin na na wala man lang vigorous opposition doon sa argument na 'yun at talagang tinaggal dahil walang order ng korte at binibigyan namin ng malaking poder si Secretary Leila de Lima para gamitin 'yan even without due process of law. Napaka-summary. At 'yan ay hindi kinakailangan sa isang demokratikong bansa. At 'yung second issue ko d'yan, yung libel. 'Yung cyber libel provision na talagang tagilid yung mga netizens natin kaya talagang tinututulan ko 'yan. At isa pa, sa tingin ko hindi lamang 'yung cyber libel ang issue. Pati 'yung libel in the Revised Penal Code ay talagang tutulungan ko na ma-decriminalize 'yan dahil dapat paramount ang freedom of expression sa demokratikong bansa.

On the decriminalization of libel

HS: Paano naman 'yung kabilang panananaw na maraming nahuhuli sa media at  nila-libel, ano naman ang proteksyon para sa kanila?

ML: It has to be decriminalized but it doesn't mean na mawawalan ngayon ng liability 'yung taong uma-atake ng karangalan mo kasi magkakaroon pa rin ng civil liability. In other words, damages. And I think that is enough already para doon sa sinasabi na kami ay, ang aming karangalan ay nadungisan. So damages. 'Di ba magagamit natin 'yung civil provision d'yan at hindi na kailangan [sic] more than that. Ang tingin ko kasi d'yan nagamit para mag-cause ng chilling effect. Halimbawa, si Arnold, the mere fact na kinasuhan ko s'ya ng libel, na-achieve ko na ang purpose. Manginginig na s'ya. Imbes na kino-cover n'ya ang kanyang beat ano, maya't maya, attend s'ya ng preliminary investigation. Pupunta s'ya sa husgado. Napabayaan ang trabaho. 'Yan ba ay makakainam sa freedom of expression at sa freedom of the press ng bansa? Hindi. So 'yung chilling effect mismo ang talagang diabolical sa libel provision dahil makakaninira ng freedom of expression.

On cyberbullying

HS: Ang isang nire-raise ng mga justices at ng Supreme Court habang pinag-uusapan nga itong cybercrime law, cyber bullying. Anong tingin ninyong solusyon d'yan at posible bang solusyon ang cybercrime law?

ML: Actually, ang cyber bullying na tinatawag ay talagang nandyan na. Ang issue natin dito ay 'yung enforcement. How can you police the entire spectrum of the Internet technology? Karamihan d'yan ay wala naman dito sa Pilipinas. Nasa abroad. Alam naman natin ang criminal law ay territorial. So magkakaroon ka nga naman ng batas pero ang enforcement noon ay napakahirap. Ano ang gagamitin nilang pamamaraan? 'Yung take down provision? 'Yung agad-agaran at summary na pagpapatigil ng isang website ng pagkuha ng computer hardware and so on and so forth? So nakikita natin dito 'yung objective ng batas ay hindi angkop sa pamamaraan. So, 'wag na lang 'di ba? At kung ma-a-identify mo naman 'yung tao na gumagawa noon, you can sue for damages and that is enough already.

On the Reproductive Health Law

AC: Sa issue ng RH Law–law na ngayon–since 2010 pa yata nakikipagdebate ka na. Naiba na rin 'yung mga ibang probisyon yata. Ano ba ang pangunahin mong posisyon dito at 'pag nabigyan ka ba ng pagkakataon, a-amiyendahan mo ba ito kaagad sa Senado?

ML: Batas na 'yan, Arnold. So ang magagawa lamang diyan ay pwedeng i-ammend o i-appeal. But before I proceed to that, meron kasi akong mga fundamental issues sa Reproductive Health Law, ano. Una, 'yung pagtanaw sa tao, pagtanaw sa populasyon. Sinasabi na bawasan natin ang populasyon sapagkat ito ang sanhi ng kahirapan. So para sa akin, 'yan ay defeatist. Hindi ko tinitingnan ang mamamayang Pilipino na sanhi ng kahirapan. 'Yan ay tinitingnan ko na opportunity. Bakit hindi natin hanapan ng trabaho? Bigyan natin ng productive means para sila ay mabuhay ng maayos. Mas gusto kong tingnan doon sa positibong pananaw kesa tingnan 'yung populasyon na isang balakid sa ekonomiya. Isa 'yun sa aking fundamental issues.

On agrarian reform

HS: Nagserbisyo rin kayo sa Department of Agrarian Reform noong taong 2000 to 2002. So, I guess, nakapag-develop na rin kayo ng expertise sa agrarian reform. Anong tingin n'yo sa effort ng Aquino adminsitration sa agrarian reform?

ML: To be honest about it ano, talagang parang hindi na nila priority. In fact, hanggang ngayon tila ba tatapusin na sa 2014 kasi 'yun 'yung last extension ng CARPER hanggang 2014 na lang. Hindi ako aware kung may panukalang batas o kung meron man, kung ise-certify ba na urgent ng Pangulong Aquino ang CARPER na 'yan, at least for another extension. So nakikita ko na masyadong malamya ang pagtanggap ng administrasyon sa extension ng CARPER. Ano pa, meron tayong issue ng Hacienda Luisita at may desisyon na ang Korte Suprema kaya agaran na dapat itong patupad. Ang problema ko nga lang, by 2014 ay wala na 'yung CARPER at ang DAR ay liliit, at 'yung ibang empleyado ay lilipat na sa DA at nade-devolve na sa ibang agencies. 'Yung pagtutok doon sa victory ng mga farmers sa Hacienda Luisita. So ako ay nangangamba doon sa ganon.

HS: What would you do differently?

ML: Kung ako ay nasa Senado, at least for the last time, magkaroon ng extension ang Comprehensive Agrarian Reform Program sapagkat umaabot pa yata sa higit kumulang na isang milyong hektaryang lupa ang na-acquire at hindi pa nadi-distribute. Maliban d'yan, ang dami pang mga kasong nakabinbin – the new real arrangement and so on and so forth. At importante rin tingnan, maliban sa pag-acquire ng lupa, ay 'yung support services sa mga magsasaka. Dapat klaruhin natin kung ano ba 'yung mekanismo, talagang mabigyan ng pamahalaan para sila ay ma-empower economically.

On education

AC: Attorney, isa sa mga medyo parang nagugustuhan ko, 'yung naging produkto ka ng public school. So anong pwede nating gawing tulong sa kanila–produkto rin ako ng public school–na mas makadulot tayo ng mga mabubuting mamamayan sa hinaharap?

ML: Ako ay produkto ng public school system. I graduated with a degree in Political Science, Cum Laude sa Bicol University. Nagtapos ako ng abugasya sa UP College of Law. Nag-take ako ng Master of Laws sa PLM. So advocacy ko talaga 'yung state college at universities. Ang isa sa tinitingnan ko d'yan, dapat i-strengthen yung state colleges and universities. Ano 'yung pamamaraan ko d'yan, una sa lahat, ayoko na na mag-create pa ng state colleges at universities. Tama na 'yung ngayon. Palakasin na lang. Imbes na mag-create ka ng bago dahil gusto lang ng congressman sa distrito n'ya magkaroon ng state universities and college, bakit hindi maglagay ng branch doon ang isang existing state universities and colleges na hindi mo na kailangan magsabatas, hindi na magdadagdag ng resources? Kumbaga, mag-e-extension ka na lang, ano. Isa ' yan ano. Pangalawa tingnan natin 'yung punto na dapat silang magkaroon ng fiscal autonomy. Sapagkat 'yung pera na meron sila ay hindi na magre-revert sa national government every after the end of the fiscal year.

AC: So sila na magpapaikot? 

ML: Sila na at hindi na masyadong pakikialaman ng national government. Because they know more in the academic community kung anong pangangailangan.

AC: Hindi naman komersalisasyon 'yan?

ML: Hindi naman komersalisasyon 'yan, kasi meron na na mayroong fiscal autonomy ang University of the Philippines at ang Mindanao State University. Ang tanong, bakit hindi 'yung ibang state universities and colleges bigyan din ng pagkakataon na maging fiscally autonomous? Ibig sabihin po ba second class citizens lang ang mga graduate doon? Hindi naman yata katanggap-tanggap. So what is good for the goose must also be good for the gander.

AC: 'Yan ba 'yung pangunahing ano mo, legislative agenda?

ML: Malapit sa puso ko 'yan, edukasyon.

AC: May nakahanda ka ba d'yan?

ML: May nakahanda ako d'yan at nakikita ko kasi 'yung state universities and colleges, you have to tap them also for the economic development of the country side. Halimbawa, sa Visayas State University, pumunta ako doon napakaganda ng campus. Ang kanilang center of excellence in education ay agriculture. So bakit hindi turuan 'yung mga magsasaka ng bagong pamamaraan ng pagtanim? Ipakita sa kanila kung ano ang mas magandang binhi para itanim para 'yung community mismo, with the help of the academic community of the university, ay magagamit para magkaroon tayo ng agricultural development. 'Yung iba naman, fisheries and aquatic resources ang expertise. Bakit hindi turuan ang mga mangingisda ng tamang pamamaraan ng paghuli ng isda? Disiplinahin para hindi na gumamit ng dynamite fishing halimbawa. So maraming pwedeng gawin at ang Japan ay napakaganda ng kanilang setup d'yan because the university is in partnership with the community. Kaya tingnan ninyo ang kanilang agriculture, maganda. Ang kanilang fisheries, maganda. So ibig sabihin, nagkakatulungan 'yung academic community with help from the folk knowledge of the communities and the communities naman will get the best technologies there is coming from the academic set up.

On reforming the Senate

HS: So natural, na-o-obserbahan n'yo 'yung mga pangyayari sa Senado. Ano 'yung pinakanais ninyong baguhin sa Senado?

ML: Nalulungkot ako, Howie, kasi wala na yung statesmanship. Alam mo ako, lumaki ako na may paghanga sa mga senador, sa mga kongresista. Akala ko, 'pag naupo ka d'yan, matino kang tao. Hindi pala. I had a true reality check. Tingnan mo ngayon 'yung nangyayari sa ating senado. Noong natanong ako sa isang programa dito sa GMA, if there's any agency that I want to reform, ang sagot ko, the Senate because it has become the paradigm of an institution that badly needs reform. 'Yung nagbabangayan sila, nagpepersonalan sila, hindi magandang pangitain sa mga bata. Ganyan ba yung mga leaders natin? 'Yung mga kabataan ang hirap i-explain, especially for an educator like myself, ang hirap magpaliwananag sa mga bata. So gusto kong ibalik 'yung pagkakataon na mga panahon na meron tayong Lorenzo Tañada, meron tayong Jose W. Diokno, meron tayong Arturo Tolentino na mga brilliant na tao. Nagde-debate kahit sila magkasalungat sa kanilang posisyon, pero at the end of the day, gentlemen. ‘Pañero, ‘pañera pa rin ang tawagan. At hindi sila nagpapatutsadahan ng personal kasi alam nila 'pag 'yung tao tumindig sa floor at nagtalumpati at nakipagdebate, 'yung sinasabi n'ya, pinaniniwalaan n'ya. Pinaninidigan n'ya hindi dahil sa may makukuha s'ya on his personal interest. Ganon 'yung sinabi noon. Sadly, hindi na ngayon. So siguro, ganito 'yung aking pananaw. That's what I want to bring back to the Senate. Pwede kami mag-discuss or mag-disagree sa maraming issues ng lipunan at alam n'yo naman, hanggang ngayon, marami tayong mga divisive issues lalo na sa issues of morality and faith. Pero sa tingin ko, basta naninindigan lang tayo ng tama. There is room for differences in democracy. We can discuss, pero at the end of the day, we are fellow Filipinos. We want this country to move forward. 'Yun ang gusto kong ibahagi.

On his background in debate

AC: Bata ka pa lang, debater ka na. So 'yan ba malaki ang naitulong sa 'yo?

ML: Actually kasi, 'yung sa school debate, you are trained to look at both sides kasi hindi mo alam kung saan ka papanig. Kasi 'pag nagbunutan, either pro or con ka, so dapat parehas na side, alam mo. So nakatulong 'yun sa akin para tingnan 'yung mga issues na hindi one-sided. Baka may sinasabi itong tao na ito na hindi natin tinitingnan. So nakatulong 'yun sa akin in a way na nagiging comprehensive ang aking pananaw but at the end of the day, when I make a stand, 'yun ang stand ko at ilalaban ko ng pukpukan. Pero it doesn't mean na 'yung kinakaharap ko, kukwestyunin ko 'yung kanyang motibo dahil hindi 'yun ang alam kong pamamaraan ng debate.

On geographical and religious representation in the Senate

HS: Attorney, taga saang region ka?

ML: Taga-region 5, isa po akong Bicolano. Taga-Albay.

HS: Sa palagay n'yo, isa bang advantage o disadvantage na ang mga senador natin ay hindi kumakatawan ng mga geographic area na tulad sa America. They represent states. Dito sa atin, they don't represent any region or geographic area. Sa tingin n'yo, advantage 'yun o disadvantage?

ML: Sa tingin ko, advantage 'yun. Pero, meron ding disadvantages. Doon sa advantage is that the senators are elected at large so therefore, they have a national constituency and they have a rather national (unintelligible) of things supposedly as far as the theory goes. So hindi sila parochial, hindi kagaya ng mga congressmen na by district. Parochial 'yung kanilang pananaw. And the second, it's a training ground for our future leaders. 'Yun ang ating theory, ng ating bi-cameral system sa ngayon. 'Yung set back n'yan na nakikita ko ay maraming underrepresented na region. Gaya sa Mindanao. Si Koko Pimentel lamang 'yung Mindanaoan na senador ngayon.

HS: At walang Muslim.

ML: At walang Muslim. Marami naman tayong mga kapatid na Muslim. So 'yun 'yung nakikita ko, maraming rehiyon at may mga malalaking ethno-linguistic groups na walang kinatawan at ito ay nagfe-ferment ng desire ng maraming mga kababayan natin kagaya ng mga Muslim na kahit papano, umaklas. Kasi they don't feel that they belong to the political system. Ako ay nagpapasalamat na lamang na bagaman ako ay isang quote-unquote Catholic candidate dahil ako ay isang Katoliko, ang aking mga supporters ay ang mga Association of the Philippines, mga Muslim kaya malapit ako sa Mindanao. So 'yun ang isa sa aking mga tinitingnan.

On his chances of being elected

AC: Maganda 'yung mga sagot mo sa ilang mga issue, ano. Pero paano ka makikipagtapatan sa Team PNoy at UNA na 'di ba dinatnan mo na lang yan. Sa tingin mo, ang mga botante ba handa na sa mga alternative candidates kagaya mo?

ML: Ako ay tumitingin sa pananaw, Arnold, na nagbabago ang ating lipunan, ano. Nagiging mas matalino ang mga tao. I think the anti-dynasty sentiment will work in our favor. And aside from that, 'yung mga nasa social networking ano. At ako'y natutuwa bagaman hindi ako nagpe-place sa mga surveys, pero sa mga online polls, lagi akong nasasama. Sa isang Facebook page, number six ako. Sa isang online, number one ako. At sa mga universities and colleges wherever I go, pagdating ko doon, hindi ako kilala. Tinitingnan ko nga 'yung mga tao doon sa corridor, hindi ako kilala. Mga lima o tatlo lang ang nakakilala sa akin. Nandoon na ako, palakad-lakad. Pero pagkatapos ko magtalumpati, makipagbalitaktakan, makipagdebate, instant celebrity na ako kagaya sa UP Diliman at talagang nagpapa-picture na. Nagpapa-autograph na. At least pala, 'yung mga kabataan natin 'pag narinig 'yung tindig mo sa mga issue at kung tama ang pinaglalaban, chances are, makukuha mo sila. Kung I will just have the opportunity to speak to the Filipino people about the burning issues of the day, sa tingin ko, malaki ang tsansa because we are a reasonable people.

HS: So nag-number one na kayo sa isang poll?

ML: Sa isang online, na alam n'yo, 'yung may mga nagki-click-click lang doon.

HS: Which one is this?

ML: I forgot the website, pero meron kasi s'yang ganon. At doon naman sa ivoteph.com, hindi man ako nag-number one, pero yung tanong "if you're going to vote for this candidate, yes or no," lahat ng bumoto sa ilalim ng pangalan ko, 97 percent voted in favor of me. Only 3 percent are not in my favor. So nakikita ko kung 'yung mga tao, may awareness, alam na tumatakbo ako. Sa tingin ko 93 percent sa kanila, boboto sa akin. So 'yun ngayon ang challenge sa kampanya na malaman ng taong bayan na nanonood sa GMA at sa mga programang ganito, na tumatakbo ang isang Marwil Llasos at marinig nila, magsalita. At dahil 'yung ibang politiko, ganon lang din ang sinasabi. Walang nagbago, so at least makarinig man lang sila ng ibang pamamaraan, makarinig man lang sila ng ibang alternatibong pananaw.

AC: So mas ginaganahan ka na ngayon?

ML: Mas ginaganahan ako ngayon. Wala akong balak maging abugado, sinasabi ko naging abugado ako. Wala akong balak maging senador, kaya magiging senador ako.

On why he should be elected

AC: At 'yun nga, sa aking huling tanong, bakit sa tingin mo ikaw ang dapat ibotong kandidato sa senado ng ating mga mamamayan?

ML: Sapagkat nakita ko ang problema ng senado at meron akong solusyon para ang problemang ito ay maalis kaya ako ay nararapat na maging senador. Sapagkat dala-dala ko 'yung adhikain ng ating sambayanang Pilipino, 'yung mga ordinaryong tao, 'yung mga mahihirap. At 'pag pinagsama-sama mo, pinagbuklod-buklod, may laban po tayo.

HS: Just briefly, paano mo masu-summarize ang iyong strengths and weaknesses?

ML: Doon muna ako sa weaknesses kasi madaling sagutin. We are non-politicians and we are braving the odds of non-politicians. We don't have money, we don't have name, we don't have fame. 'Yung amin namang strength, nadadala sa issues, nadadala sa pamamaraan namin sa pagpunta sa taong bayan at inihahayag namin kung ano ang aming mga saloobin. We are articulate for what we believe for our country. Maliban d'yan, naiiba kami sa pananaw ng karamihan at higit sa lahat, masasabi ko na ang Kapatiran ay the only real political party in the Philippines compared to the two political [sic] na ang kanilang ginawa lamang ng kanilang mga pinuno ay pinagsama-sama kung sino ang magaling, 'yung alam mong mananalo. Walang pinagkaiba po ito sa Top Rank Promotion na pinagsasama at pinagsasabong yung sa tingin nilang mas magagling na manok.

AC: Maraming salamat po.

ML: Maraming salamat din.

AC: Mga Kapuso, Atty. Marwil Llasos, Kapatiran. Kandidato

-ME/PF, GMA News