ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kandidatura nina Richard at Lucy Torres-Gomez sa Leyte, 'di raw maaapektuhan ng desisyon ng SC


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naniniwala ang tagapagsalita ng Liberal Party (LP) na walang epekto sa kandidatura ng mag-asawang Richard at Lucy Torres-Gomez sa darating na May elections ang naging desisyon ng Korte Suprema na nagbasura sa pagkapanalo ni Lucy bilang kongresista sa ika-apat na distrito ng Leyte noong 2010 polls. Sa darating na eleksiyon sa Mayo, muling tatakbo sa ilalim ng LP si Lucy bilang kongresista, habang alkalde naman ng Ormoc City ang target ni Richard. Paliwanag ni House Deputy Majority Leader Rep. Miro Quimbo, tagapagsalita ng LP, anuman ang naging problema sa usapin ng residency nina Richard at Lucy sa Leyte ay natugunan na sa nakalipas na mga taon. “Whatever decision that has been rendered no longer has relevance to her and Richard’s candidacies today since all infirmity have been corrected,” ani Quimbo. “Richard is only required to be a resident for a year. He has been there in Ormoc City performing his functions as chief of staff of Cong. Lucy from the time his wife became a congresswoman,” paliwanag pa niya. Sa desisyon ng SC, kinatigan nito ang petisyon na hindi balido ang kandidatura ni Lucy bilang kapalit na kandidato ni Richard matapos madiskuwalipika ang aktor dahil sa hindi pagsunod sa residency requirements. Dahil diskwalipikado si Richard, hindi umano dapat nilagyan ng kapalit ang nabakanteng posisyon ng aktor bilang kandidato, ayon sa petisyon, na unang ibinasura naman ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) na pumabor kay Lucy noong nakaraang taon. Basahin: Lucy Torres-Gomez: 'I know that I enjoy the people’s overwhelming support' Nanindigan naman si Lucy na hindi patas lumaban ang kanilang mga kalaban sa pulitika at iginiit na nasa likod niya ang suporta ng kanilang mga kababayan. "I was surprised but I know I won fair and square," ani Lucy. "My opponents have done this but I know I have done my part and I know I enjoy the people's overwhelming support.” Mga Codilla, masaya sa desisyon ng SC Hindi man sila makaupo bilang kongresista, inihayag ng pamilya Codilla na ikinatuwa nila ang naging desisyon ng SC. Si Winnie Codilla ang nakakuha ng pangalawang may pinakamaraming boto (76,549) para sa pagka-kongresista kasunod ni Lucy (101,250). Itinuturing ni Ormoc City Mayor Eric Codilla, kapatid ni Winnie, na vindication ang naging desisyon ng SC kahit naipalabas ito dalawang buwan na lamang para sa susunod na eleksiyon sa Mayo. "Siyempre bilang kapatid ni Winnie Codilla, masaya tayo maski delayed na masyado yung desisyon. Pero at least na vindicate pa rin tayo na yung ipinaglaban natin at least lumabas na," paliwanag ng alkalde. Dagdag pa niya, "Yung decision lang ay kuntento na kami doon maski walang makaupo dahil wala namang session ngayon (ang Kongreso). At saka ang importante na lang diyan na ang masamang mga gawi ay hindi talaga magtagumpay." Nang tanungin kung makakaapekto ang desisyon ng SC sa kandidatura ni Lucy, tugon ng alkalde: "Ewan ko kung mahihiya ba siyang magpunta sa barangay na umupo pala siya na hindi pala karapat-dapat. So all the time pala parang na deceived kami na mga constituents ng 4th district of Leyte." - Ronnie Roa/RP/FRJ, GMA News