Pag-aresto kay suspended Cebu Gov. Garcia, iniutos muli ng Sandiganbayan
Muling ipinag-utos ng Second Division ng Sandiganbayan ang pag-aresto kay suspended Cebu Gov. Gwendolyn Garcia matapos na hindi nito siputin ang pagdinig sa kanyang kasong katiwalian nitong Huwebes. Iniutos din ni Justice Teresita Diaz-Baldos, namumuno sa 2nd Division ng anti-graft court, ang pagkansela sa inilagak na piyansa ng gobernadora na nagkakahalaga ng P90,000. Ang piyansa ay para sa kinakaharap na kasong two counts of graft at one count for illegal use of public funds ni Garcia. Kaugnay ito ng pagbili ng pamahalaang panlalawigan ng Cebu ng 24.9-hektaryang lupain noong 2008 na nagkakahalaga ng P98.93 milyon. Paliwanag naman ni Atty. Tranquilino Salvador III, abogado ni Garcia, abala ang kanyang kliyente sa pagdalo sa mga speaking engagement sa lalawigan kaya hindi ito nakadalo sa pagdinig ng Sandiganbayan. Gayunman, hindi tinanggap ng korte ang paliwanag ni Salvador. Nangako si Salvador sa korte na padadaluhin ang gobernadora sa susunod na pagdinig. Napag-alaman na may nakabinbing petisyon ang kampo ni Garcia sa Sandiganbayan na humihiling na ipagpaliban muna ang pagdinig sa kanyang kaso. Ito'y habang hinihintay nila ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa inihain nilang mosyon tungkol sa nasabing kaso. Ngunit nanindigan ang Sandiganbayan na mayroon silang hurisdiksyon na ipagpatuloy ang pagdinig sa kaso ni Garcia. - RP/FRJ, GMA News