ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 Magdalo soldiers, hinatulang makulong ng 6 na taon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hinatulan ng Makati City court na makulong ng anim na taon at anim na buwan ang dalawang sundalo dahil sa pagsama nila sa 2003 Oakwood mutiny.   Guilty sa kasong mutiny at coup d'etat ang naging hatol ni Judge Andres Bartolome Soriano ng Makati Regional Trial Court branch 148, kina 1Lt. Lawrence San Juan at 1Lt Rex Bolo, ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV's “Balitanghali” nitong Biyernes. Sinabi sa ulat na sinentensiyahan ang dalawa na makulong ng anim na taon, anim na buwan at isang araw.   Ayon umano sa abogado ng dalawang sundalo, iaapela nila sa Court of Appeals ang naging hatol ni Soriano.   Sina Bolo at San Juan ay kabilang sa mahigit 300 junior officers na lumusob sa Oakwood Premier Ayala Centre (kilala na ngayon bilang Ascott) sa Makati City noong July 27, 2003.   Kabilang sa tumayong lider ng grupo si dating Navy officer at ngayo'y senador na si Antonio Trillantes IV.  Kasama rin sa Magdalo group sina Army Capt. Gerardo Gambala, Army Capt. Milo Maestrecampo, Navy Ltsg. James Layug at Marine Capt. Gary Alejano. Iginiit noon ng mga sundalo na nagtungo sila sa Oakwood para ihayag ang kanilang mga hinaing laban sa noo'y administrasyong Arroyo at umano'y katiwalian sa militar.   Kasunod nang nasabing pag-aaklas, binuo ang Feliciano Commission na tumalakay sa mga hinaing ng mga sundalo.— FRJ, GMA News