ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Alkalde ng Tarnate, Cavite, iimbestigahan dahil sa umano'y malaswang pakontes sa 2 batang lalaki  


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sasailalim sa imbestigasyon ang alkalde ng Tarnate, Cavite matapos na paghubuin umano ang dalawang batang lalaki para sa isang pakontes na unahan sa pag-ihi. Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Biyernes, sinabing ang imbestigasyon kay Mayor Lamberto Bambao ay isasagawa ng Department of Interior and Local Government, Department of  Social Welfare  and Development, at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police. Nagtungo na sa tanggapan ni Bambao ang CIDG para makunan ito ng pahayag tungkol sa insidente pero wala umano ang alkalde sa kanyang opisina. Sa halip, ipinapanood na lang ng CIDG sa opisyal ng Social Welfare Office at maging sa kinatawan ng DILG ang nakuha nilang kopya ng video mula sa impormante. Sa video, sinabi sa ulat na makikita ang dalawang batang lalaki na nasa edad siyam at 11, na nasa ibabaw ng lamesa, nakababa ang salawal at nakalabas ang maselang bahagi ng katawan. Sa harap ng maraming naghihiyawang tao, nagpapaligsahan umano ang dalawang bata sa kung sino ang mauunang makaihi. Makikita rin umano sa video si Bambao na tila nagsisilbing emcee sa pakontes. Batay sa nakuhang impormasyon, sinabi ni Chief Insp. Reynaldo Magdaluyo, head ng CIDG-Cavite, ang video ay kuha umano sa Chirstmas party. Sinasabing bahagi kasiyahan ang pakontes sa dalawang bata. Nangako naman ang DILG at DSWD na makikipagtulungan sa imbestigasyon tungkol sa insidente. Kukunan din ng paliwanag si Bambao na maaari umanong maharap sa kasong pag-abuso sa mga bata at kasong administratibo. Posibleng sumentro ang imbestigasyon sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. -- FRJ, GMA News