Magkakapatid na 'di pangkaraniwan ang balat, itinira sa bundok dahil sa mainit na panahon
Kung may mga naiinis kapag pinagpapawisan dulot ng sobrang init ng panahon, sa lalawigan ng Leyte, may tatlong magkakapatid na kahit naisin nilang pagpawisan ay hindi nila magawa dahil walang maliliit na butas o pores ang kanilang balat. Dahil sa kondisyon ng balat ng magkakapatid na Rex, 7-anyos; Renz, 6; at Jeric Resusora, 3, higit na matinding init ang kanilang nararamdaman sa loob ng katawan dahil hindi ito nailalabas sa paraan ng pagpapawis. Kapuna-puna rin na bahagya lang ang buhok sa kanilang katawan at kakaiba rin ang kulay ng kanilang nagbibitak na balat. Ayon sa mag-asawang Gerrame at Marlenda Reusora, hindi nila maipasuri sa duktor ang kondisyon ng balat ng kanilang mga anak dahil sa kahirapan at kawalan ng pera. Bagaman nag-aaral, madalas umanong tuksuhin ang mga bata dahil sa kanilang itsura. Dating nakatira ang pamilya sa gilid ng kalsada sa Albuera, Leyte. Kaya naman bukod sa init ng panahon, dagdag na problema rin sa mga bata ang polusyon. Lagi umanong umiiyak at iritable ang mga bata dahil sa nararamdamang init sa katawan kaya maya't maya rin sila kung maligo. Kung aalis, kailangang may bitbit na basang pamunas si Gng. Reusora para ipahid sa mga anak. Upang guminhawa ang katawan ng mga bata, nagdesisyon ang kanilang mga magulang na tumira muna sa bundok sa bayan ng Palompon kahit malayo sa kanilang mga kapitbahay. Sa bundok, nasaksihan pa ng GMA News ang halakhak ng bata habang masayang naliligo sa isang maliit na balon. Kasama nila sa bundok ang dalawa pa nilang kapatid na normal ang kalusugan. Nananawagan ng tulong si Gng Reusora para maipasuri ang kanilang mga anak, maipaayos din ang mga ngipin at maibili ng gamot o ointment na ipinapahid sa balat upang hindi ito nagbibitak-bitak. - Ronnie Roa/FRJ, GMA News