Suspended Cebu Gov. Garcia, dumalo na sa pagdinig ng Sandiganbayan
Sumipot na sa pagdinig ng Sandiganbayan nitong Biyernes si suspended Cebu governor Gwendolyn Garcia. Sa naturang pagdinig, itinanggi niya ang alegasyon na may katiwalian sa pagbili ng pamahalaang panlalawigan sa 24.7-hektaryang lupain noong 2008 na nagkakahalaga ng P98-milyon. "The governor appeared in court and she pleaded not guilty to the charges," pahayag sa GMA News Online ni Atty. Tranquil Salvador III, abogado ni Garcia. Unang itinakda ng Sandiganbayan noong Marso 12 ang pagdinig sa kaso ni Garcia pero humirit ang kampo ng gobernadora na ipagpaliban ito habang hinihintay ang desisyon ng Korte Suprema sa inihain nilang petisyon na kumukuwestiyon sa hurisdiksyon ng anti-graft court. Pinagbigyan naman ng Sandiganbayan ang hiling ng kampo ni Garcia kaya itinakda ang pagdinig nitong Huwebes, Marso 21. Gayunman, hindi dumalo ang gobernadora sa nabanggit na pagdinig kaya kinansela ng korte ang piyansa nito. Muling itinakda nitong Biyernes ang pagdinig matapos hindi tanggapin ng korte ang paliwanag ni Salvador na may mga speaking engagement ang kanyang kliyente kaya hindi nakadalo. "Inimbitahan kasi siya sa graduation sa isang school na siya mismo ang nagpatayo dati. Eh malayo iyong school, sa kabundukan pa yun (sa Cebu) kaya sinabi namin na hindi siya makakarating," paliwanag ni Salvador. Basahin: Suspended Cebu gov. Garcia, 'di raw nababahala sa naging hatol ng Ombudsman Ang kasong isinampa ng Office of the Ombudsman laban kay Garcia sa Sandiganbayan ay kaugnay sa pagbili ng pamahalaang panlalawigan ng 24.7-hectare property sa Tinaan, Naga City na nagkakahalaga ng P98 milyon. Bukod sa wala umanong pondong sadyang nakalaan sa proyekto, agrabyado umano ang gobyerno sa naturang proyekto dahil may bahagi ng lupain ang nakalubog sa tubig. Nilinaw naman ni Salvador na walang panibagong arrest order na ipinalabas ang korte nitong Huwebes dahil sa ibinigay nilang katiyakan na dadalo si Garcia sa panibagong araw (Biyernes) na itinakda ng pagdinig sa kaso. "An arrest order was issued but it was lifted because of our manifestation in open court... So, walang arrest order. It was never implemented," giit ni Salvador. Sa kabila ng pagdalo ni Garcia sa pagdinig nitong Biyernes, sinabi ni Salvador na mananatili ang petisyon na inihain nila sa SC. "And we are hoping that the Supreme Court will really review the case thouroughly and grant our petition," aniya. — FRJ, GMA News