2 pulis na kasama sa inuman, patay nang magbarilan sa Cebu City
Nauwi sa trahedya ang masayang inuman ng apat na pulis sa Cebu City matapos na magbarilan at masawi ang dalawa sa kanila sa loob ng isang bahay. Sa ulat ni Randy Gullon ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas Ngayon, kinilala ang dalawang nasawing pulis na sina PO1 Rey Gabutan at PO1 Anthony Gonzales. Isasailalim naman sa imbestigasyon ang dalawa pang kasamang pulis sa inuman upang maalis umano ang pagdududa na mayroong foul play sa nangyaring insidente. Sa imbestigasyon, lumitaw na nagkainitan umano ang dalawang nasawing pulis nang mapag-usapan ang trabaho ng mga ito partikular ang kanilang mga destino. Nagalit umano si Gonzales nang sabihan siya ni Gabutan na baguhin ang ugali nito para malipat sa Cebu mula sa Siquijor kung saan nakadestino ang una. - FRJ, GMA News