Seguridad sa Ilocos Sur, hinigpitan na; bahagi ng Via Crucis, nilagyan ng palamuti
Inilagay na sa "heightened alert" ng Philippine National Police (PNP) sa Ilocos Sur ang kanilang puwersa ngayong Semana Santa dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga turista sa lalawigan. Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon, sinabing partikular na binabantayan ng mga awtoridad ang mga beach at simbahan. Naglagay na rin ng motorists assistance service sa mga pangunahing kalsada sa lalawigan para magbigay ayuda sa mga motorista. Hiniling naman ng mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa kanila para maging maayos ang paggunita sa Semana Santa. Samantala, sa Bantay, Ilocos Sur, nilagyan ng mga palamuting gulay at prutas ang bahagi ng Station of the Cross o Via Crucis na tinawag na "Ramada, Abong-abong." Simbulo umano ito ng pasasalamat ng mga residente sa biyaya at magandang ani na kanilang natanggap. - FRJ, GMA News