Party Island Boracay, tatahimik sa Biyernes Santo
Inaasahang iiral ang katahimikan sa mala-paraisong isla ng Boracay sa darating na Biyernes Santo matapos tiyakin ng lokal na pamahalaan na mahigpit na paiiralin ang “no noise, no party” policy kasabay ng paggunita ng Semana Santa. Dahil sa nabanggit na patakaran, ipagbabawal umano ang anumang uri ng pag-iingay at kasiyahan sa nabanggit na araw, ayon sa ulat ni Lhar Santiago sa “News to Go.” Ayon sa lokal na pamahalaan, ipatutupad ang “no noise, no party” policy sa Biyernes Santo para mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na makapagnilay ngayong Semana Santa. Inihayag naman ni Dionisio Salme, presidente ng Boracay Foundation, magpapatrolya ang mga pulis sa Boracay para masigurong walang lalabag sa ipatutupad na patakaran. “For the last two years ino-observe ito during the time of Mayor Yap,” ayon kay Salme. “Actually ginawa ito dahil sa resolution ng Sagguniang Bayan din na para mabigyan naman ng isang araw at least na magunita naman natin ang Mahal na Araw,” dagdag niya. Nangako naman umano ang mga may-ari establisimyento sa Boracay na susundin nila ang patakaran kung saan sisimulan ang katahimikan sa isla pagsapit ng 10 pm ng Huwebes Santo. - FRJimenez, GMA News