Mga aktibidad para sa Biyernes Santo, pinangunahan ng Santo Papa sa Roma
Libu-libong tao ang dumayo sa Rome Colosseum nitong Biyernes Santo upang saksihan ang pangunguna ni Pope Francis sa prusisyon na nagsasalarawan sa kalbaryo ni Hesus. "Sometimes it may seem as though God does not react to evil, as if he is silent," pahayag sa misa ng Santo Papa sa wikang Italyano. “And yet, God has spoken, he has replied, and his answer is the Cross of Christ: a word which is love, mercy, forgiveness. It is also reveals a judgment, namely that God, in judging us, loves us," dagdag pa niya. Paalala pa ng Santo Papa: "Christians must respond to evil with good… the evil that continues to work in us and around us." Ang prusisyon na pinangunahan ng Santo Papa sa Roma ay ang “14 Station of the Cross,” na naglalarawan ng pinagdaanang kalbaryo ni Hesus mula nang siya ay iwaksi ni Pontio Pilato. Isang kahoy na krus ang pinagpasa-pasahan ng mga deboto na nagmula pa sa iba't ibang bansa tulad ng Italy, India, China, Nigeria, Syria, Lebanon at Brazil. Pinapurihan naman ng Santo Papa ang kapayapaan sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim na Lebanese. Aniya, ang pamumuhay ng tahimik ng mga ito ay isang simbolo na may pag-asa pang mamuhay ang mga tao sa kapayapaan anuman ang kanilang relihiyon. Ilan sa mga ipinagdasal sa nasabing okasyon ay ang kaguluhang nagaganap sa Middle East, mga inaabusong bata, at mga biktima ng religious intolerance, war, violence, terrorism, poverty, injustice at drug addiction. Noong Huwebes Santo, dalawang batang babae ang kasama sa 12 tao na hinugasan at hinalikan sa paa ni Pope Francis – ang kauna-unahang pagkakataon na isinama ang kababaihan sa ritwal na ito ng isang Santo Papa. Sa selebrasyon ng Linggo ng Pagkabuhay, inaasahang ipapahayag ni Pope Francis mula sa St. Peter’s Square ang kanyang kauna-unahang "Urbi et Orbi" o mensahe para sa buong mundo. -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News