Sisilipin ng 'Fashbook' ang closet ng mag-inang Maritoni at Lexi Fernandez
Ngayong Miyerkules sa Fashbook sisilipin ni Solenn Heussaff ang closet ng mag-inang sina Maritoni Fernandez at Lexi Fernandez.
Nakilala na si Maritoni sa kanyang ginampanang roles bilang kontrabida habang si Lexi naman ay unti-unti nang napapansin bilang isang teen star at magaling na batang aktres. Magkaiba man ang kanilang tinatahak na landas sa mundo ng showbiz pagdating naman daw sa totoong buhay mahilig ang mag-ina sa fashion.
Sa pagsilip ni Solenn sa closet ng dalawa, makikita na ang koleksyon nila ng sapatos mula sa mga designer footwear tulad ng Jimmy Choo at Christian Louboutin hanggang sa makukulay na sneakers ni Lexi. Makikita rin ang paboritong Inno Sotto gown ni Maritoni na madalas niyang suotin sa mga pormal na okasyon.
Samantala, iikot din ang Fashbook para bisitahin ang ilang stylish bar at restaurants mula sa probinsya ng Rizal hanggang sa Makati City. Isa na rito ang sikat at eklusibong bar at lounge na Salon de Ning kung saan ang bawat kuwarto ay may iba’t ibang tema tulad ng Shanghai, The Zeppelin at pati Boxing. Bibisita rin ang Fashbook sa isa sa pinaka-magandang restaurant daw sa Marikina City at parang isinisikreto pa ito ng mga parokyano dahil hindi pa ito nalalaman ng karamihan, ang Isabelo Garden Restaurant. Malalaman na kung bakit nga ba itinuturing na stylish at “worth visiting” ang mga restaurants at bars na ito.
At sa S-List naman, ituturo ni Solenn kung paano gagawing pang-summer ang ilang cold weather fashion items tulad ng sweater at scarf. Sa pamamagitan lang ng konting pagtapyas at pagtatahi, maari nang magkaroon ng bagong summer outfit mula sa mga lumang damit na madalas ginagamit kapag tag-lamig.