ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Pork barrel', dapat bang alisin sa mga mambabatas at ilaan sa Magna Carta for the Poor?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa halip na ipadaan sa mga mambabatas, nais ng isang obispo ng Simbahang Katoliko na gamitin ng pamahalaan ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na mas kilalang "pork barrel" funds, sa implementasyon ng Magna Carta for the Poor. Ang pahayag ay ginawa ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, kasunod ng hindi nito pagsang-ayon sa paliwanag ng pamahalaan na walang pondo ang gobyerno kaya hindi maaaring ipatupad ang nasabing magna carta. Basahin: Aquino: Magna Carta of the Poor is 'mission impossible' Matatandaan na hindi pinirmahan at ibinasura ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang ipinasang Magna Carta for the Poor ng Kongreso dahil hindi rin umano ito maipatutupad bunga ng sobrang laki ng pondong kakailanganin. Ngunit ayon kay Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action, Justice and Peace ng Catholic  Bishops Conference of the Philippines (CBCP-Nassa),  may pondong maaaring gamitin para sa Magna Carta for the Poor kung aayusin lang ng pamahalaan ang paglalaan nito ng pondo partikular na ang pork barrel funds. “Walang pondo pero ang laki ng pondo na ibinibigay nila sa pork barrel ng mga mambabatas. Kaya kung mapapaayos 'yon, magandang resources 'yon at mas makakatulong sa mahihirap talaga," paliwanag ni Pabillo sa panayam ng Radio Veritas. "Hindi yung idinadaan pa sa mga kamay ng legislators na hindi naman yun ang papel nila,” katwiran pa ng obispo. Ang bawat kongresista ay mayroong alokasyon ng tig-P70 milyon bawat taon, habang P200 milyon naman sa mga senador. Basahin: A buffet of pork: P25 billion at lawmakers' discretion   Iginiit ni Pabillo na hindi dapat ipaubaya sa mga mambabatas ang pork barrel dahil ang trabaho nila ay gumawa ng batas at hindi rin umano napupunta sa pangangailangan ng mga mahihirap ang pondo. Sa halip na ipadaan sa mga mambabatas, nais ng obispo na ilagay ang pork barrel funds sa Magna Carta for the Poor at tukuyin ang mga proyektong paglalaanan nito ng pondo para sa kakulangan ng pabahay, pagkain, edukasyon at pangkalusugan ng mga maghihirap. Kasunod ng pagbasura ng Palasyo sa Magna Carta for the Poor, inatasan ni Aquino ang kinauukulang ahensiya na gumawa ng panibagong bersiyon ng panukalang batas. -- MP/FRJ, GMA News