Pagkasunog ng speedboat ni Aga Muhlach, aksidente, ayon sa PNP-CamSur
Binigyan diin ng pulisya ng Camarines Sur na aksidente ang pagkakasunog ng speedboat ng aktor na si Aga Muhlach habang nakahimpil ito sa isang isla ng Caramoan noong nakaraang Sabado. Ayon sa pulisya, faulty electrical wirings ang nakikitang posibleng dahilan ng pagkasunog at pagsabog ng speedboat na nagresulta ng pagkakasugat ng isang tao. Basahin: Speedboat of actor Aga Muhlach explodes, driver hurt -- report Inihayag naman ng isang crew ng speedboat na nasa lugar nang mangyari ang insidente, na hindi nila kasama ang pamilya Muhlach sa isla nang mangyari ang pagsabog. Sa halip, ang kandidatong gobernador daw na si Miguel ‘Migs’ Villafuerte, anak ni Camarines Sur incumbent governor LRay Villafuerte, ang kasama nila sa isla noong Sabado. Sa mga naunang ulat na lumabas, sinasabing sinusuri ng operator ang bangka kasama ang dalawang iba pa nang bigla itong magliyab at sumabog. Nakatalon kaagad sa tubig ang dalawa habang nagtamo ng sugat at sunog sa katawan ang operator. Sa kabila nito, nais pa rin paimbestigahan ng kampo ng mga Muhlach kung ano ang ugat ng pagsabog at pagkasunog ng speedboat na sinasabing nabili noong nakaraang taon. Tumatakbong kongresista sa ika-apat na distrito ng Camarines Sur si Muhlach. -- Cha Pagtalunan-Olivares /FRJ, GMA News