Dalawa patay, isa ligtas sa magkahiwalay na insidente ng pagkalunod sa Iloilo
Dalawa ang nasawi at isang bata ang nasagip sa magkakahiwalay na insidente ng pagkalunod noong nakaraang Linggo sa lalawigan ng Iloilo. Linggo ng umaga nang inireport na nawawala si Dioledo Tagudar na huling nakitang lumalangoy sa Anhawan beach sa bayan ng Oton, Iloilo. Pagkaraan ng mahigit isang oras na paghahanap, nakita ang biktima pero idineklara na siyang dead o arrival sa ospital. Samantala, isang limang taong gulang na babae ang nasagip sa pagkalunod ng mga naka-alertong lifeguard sa Riverside beach resort sa bayan din ng Oton. Kasama ng bata ang pamilya sa beach upang ipagdiwang ang Easter Sunday nang maganap ang insidente. Hindi umano namalayan ng nagbabantay sa bata na nalulunod na pala ang biktima, na masuwerteng nasagip kaagad ng mga lifeguard. Hindi naman pinalad si Arturo Villanueva, 54-anyos, na idineklarang dead on arrival sa ospital matapos malunod sa isang beach resort sa Arevalo, Iloilo City. -- Fabienne/FRJ, GMA News