'I Will Survive' concert ni Gloria Gaynor, kinansela
Hindi na matutuloy ang nakatakdang dalawang araw na concert sa bansa ng American singer at tinaguriang Queen of Disco music noong dekada 70's na si Gloria Gaynor. Sa isang pahayag nitong Miyerkules na ipinadala ng ATG Entertainment Production, humingi ito ng paumanhin sa biglang pagkansela sa concert na nakatakda sanang gawin sa Biyernes (April 5), at Sabado (April 6). "ATG Entertainment Production would like to make a public announcement that the Gloria Gaynor "I will Survive" concert in Manila, April 5 at NBC Tent, Taguig City and on April 6 at AUF Sports and Cultural Center, Angeles City is cancelled," nakasaad sa pahayag na pirmado ni Marilou Alota. Walang ibinigay na dahilan kung bakit hindi natuloy ang concert ng 63-anyos na si Gaylor na nasa likod ng mga sikat na disco music ng dekada 70's gaya ng "I Will Survive", "Never Can Say Goodbye", "Let Me Know" at "I Am What I Am." Hanggang ngayon, madalas pa ring kantahin ang mga nabanggit na awitin sa mga videoke house, gay beauty pageant, singing contest, at pinapatugtog din para sa ballroom dancing. Nakasaad din sa pahayag ng ATG Entertainment Production na maaaring makuha ang refund sa mga nakabili ng tiket sa mga designated tickets outlet. - FRJimenez, GMA News