ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

P3.6M kasong tax evasion, inihain ng BIR vs Solenn Heussaff


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naghain ng P3.6 milyong tax evasion case ang Bureau of Internal Revenue laban sa model, actress at TV host na si Solenn Heussaff nitong Huwebes.   Ayon sa BIR, nagdeklara ng P6.73 milyong gross income si Solenn sa kanyang 2011 income tax return, at taxable income na P3.3 milyon para sa nasabing taon.   Ngunit batay umano sa mga tseke mula sa kanyang mga kliyente at pinagtrabahuan, kabilang na ang GMA Network, San Miguel Brewery Inc., Ginebra San Miguel, Penshoppe at Tape Inc., napag-alamang kumita siya ng kabuuang P13.39 milyon noong 2011.   Ayon sa BIR, ang kanyang deficiency tax liability ay aabot sa P3.6 milyon, kabilang na ang surcharge at interest.   Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuha ng pahayag ng aktres o ng kanyang manager tungkol sa isyu.     Pero sa kanyang Twitter account, iginiit ni Solenn na isa siyang "honest person."   “I'm an honest person. As transparent as it gets. Someone made a mistake and I have to fix it,” ayon sa aktres.   Maliban kay Solenn, sinampahan din ng BIR ng kaso ang kanyang certified public accountant na si Teofilo C. Magno Jr., dahil sa paglabag sa Section 257 ng National Internal Revenue Code, o ang paglalagay ng maling datos sa audited financial statement ng kanyang kliyente.   Kasabay nito, nagsampa rin ang kaso ang BIR laban sa mga negosyanteng sina Thompson Ong Lua, may-ari ng Thompson Hardware and Lighting Center sa Mandaluyong, at Kristian Soriano, sole proprietor ng Quiapo-based Natriks Enterprise. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News