GMA News Online
Showbiz
»
Chika Minute

Dingdong Dantes at Cebu dancing inmates sa 'Dance of the Steel Bars' movie

April 4, 2013 10:01pm

Mula sa Youtube, mapapanood na rin sa mga sinehan ang mga preso sa Cebu na mas nakilala bilang "Cebu dancing inmates" sa pelikulang Dance of the Steel Bars, kung saan kasama nila ang Kapuso star na si Dingdong Dantes.

Sa Hunyo, ipalalabas sa mga sinehan ang Dance of the Steel Bars na handog ng Portfolio Productions at GMA Films, sa ilalim ng direksiyon nina Marnie Manicad at GMA news reporter na si Cesar Apolinario.

Kwento ng redemption o katubusan ang Dance of the Steel Bars na tatampukan din ng international actor na si Patrick Bergin, Joey Paras at Ricky Davao.

Sa mismong piitan sa Cebu kung saan nakadetine ang Cebu dancing inmates kinunan ang mga eksena ng pelikula sa kulungan.

Sa website ng pelikula, sinabing ang kwento ng Dance of the Steel Bars ay iikot kay Frank Parish (Bergin), isang retiradong fireman at philanthropist na makukulong sa Pilipinas matapos maakusahan sa kasong pagpatay.



Sa loob ng kulungan, makikilala ni Frank si Mando (Dingdong), isang convicted murderer na pilit na itinatago ang kanyang hilig sa pagsayaw upang patunayan ang kanyang pagiging lalaki.

Kasama nila sa loob ng kulungan si Allona (Joey), isang transekswal na tumutulong at nagtuturo sa mga kapwa preso sa pagsasayaw.

Sa text message na ipinadala sa GMA News Online,  sinabi ni Joey na pangarap niya ang karakter na ibinigay sa kanya sa Dance of the Steel Bars.

"Maganda yung role and it has been my dream to do a gay role with substance. It was offered to me by Direk Cesar A[polinario], the moment I read the script, I already fell in love with Allona," ayon kay Joey.

"Madaling makakarelate ang mga tao kay Allona. Lahat ng mga taong marunong magmahal, mangarap, tumulong at bumangon muli lahat sila mamahalin ang character ni Allona," dagdag pa niya.

Sa pagkakaroon ng bagong warden sa kulungan, malalagay din sa alanganin ang mga pangunahing karakter sa pelikula dahil sa mga panganib at lihim sa likod ng rehas na bakal.  - Mac Macapendeg/FRJimenez, GMA News





We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement
advertisement
advertisement