Glaiza de Castro, marami raw natutunan sa role bilang si 'Heidi' sa Temptation Of Wife
Kung ang Kapuso star na si Glaiza de Castro ang masusunod, ayaw niyang makahon sa iisang uri ng role kahit marami ang humahanga sa kanyang pagiging kontrabidang si Heidi sa Temptation of Wife. Sa panayam sa kanya sa Unang Hirit nitong Huwebes, sinabi ni Glaiza na bagamat nag-eenjoy siya sa mga kontrabida role, nais pa rin naman niyang gumanap sa ibang karakter. Katulad sa isa pa niyang project na Vampire And Daddy Ko kung saan kasama niya ang mag-amang Vic at Oyo Sotto. Kahit kontrabida rin ang role ni Glaiza, kakaiba naman ito dahil may comedy. Ikinuwento rin ng aktres kung gaano kahirap ang mga mabibigat na eksena nila ni Marian Rivera sa Temptation Of Wife na may pagkakataon na nakararanas siya ng hirap sa paghinga. At dahil epektibo ang kanyang pagganap bilang kontrabida sa Temptation Of Wife na nakatakdang magtapos ngayong Biyernes, sinabi ni Glaiza na "Heidi" ang tawag sa kanya ng mga taong nakakakita sa kanya sa labas. Ang mahusay na pagganap ng mga star sa Temptation Of Wife ay bunga umano ng magandang samahan nila sa show kaya hindi sila nagkakailangan kapag gumawa ng eksena. Idinagdag pa ni Glaiza na marami rin siyang natutunan sa masamang karakter ni Heidi, partikular ang tinatawag na "balik" kapag gumawa ng masama. -- FRJimenez, GMA News