Dingdong, Aljur, Max at Julie Ann San Jose, makikisaya sa Panaad Festival ng Bacolod
Makikisaya ang mga Kapuso stars sa Panaad Festival sa Bacolod sa susunod na linggo na kabibilangan nina Dingdong Dantes at Aljur Abrenica. “Bacolod is very close to my heart,” ayon kay Dingdong, na kasalukuyang kumukuha ng BS Technology Management sa West Negros University Bacolod. “For me, it’s like my second home already and I am truly elated that I get to meet the warm and gentle people of Bacolod again,” dagdag ng aktor. Sa Lunes, Abril 8, makakasama ni Dingdong sina Max Collins at Julie Ann San Jose para sa Kapuso Night na gaganapin sa Panaad Park and Stadium sa ganap na 7:00 p.m., Bago nito, magdaraos muna ng free medical consultations ang GMA TV Bacolod para sa Kapuso Barangayan na gagawin sa Punta Taytay Gym and Health Center sa ganap na 1:00 p.m. sa Lunes. “I thank our friends in Bacolod for inviting us over to witness the colorful celebration of their festival. Sana excited na silang makasama kami because we really prepared hard to make this event a lot more special,” pahayag ni Dingdong, bida sa katatapos lang na primetime series ng GMA na Pahiram ng Sandali. Sa Miyerkules, Abril 10, idaraos naman sa Panaad Park and Stadium mula 10:00 a.m. hanggang 5:00 p.m. ang regional audition sa upcoming talent search ng GMA Network para sa “Anak Ko 'Yan.” Magsisilbing guest singer at host naman sina Aljur Abrenica (Indio) at Chynna Ortaleza (Kakambal ni Eliana) para sa Lin-Ay Sang Negros Pageant Night sa Biyernes, Abril 12, na gagawin sa Panaad Park and Stadium. Sa Sabado, Abril 13, ang mga Tween star na sina Barbie Forteza at Derrick Monasterio makakasalamuha ng mga Bacoleños para sa Kapuso Mall Show na gaganapin sa SM City Bacolod’s North Transport Hub sa ganap na 4:00 p.m. - FRJimenez,GMA News