We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Ang bagong hairstyle ni Alessandra de Rossi -- Mac Macapendeg
Matapos mapanood sa GMA Primetime show na Pahiram ng Sandali, nagpapahinga muna ang award-winning actress na si Alessandra de Rossi sa trabaho at tututukan muna ang bago niyang pinagkakaabalahan -- ang sinalihang art class. "Sobrang pahinga ako ngayon. May isa pa akong show dapat dito sa GMA, kung hindi May [siguro] June. Tapos nagpagupit pa ako, parang wala yatang indie film na pwede hangga't humaba ito ng konti para malagyan ng hair extensions," sambit niya sa panayam ng GMA News Online. Dagdag pa nito, "Okay rin na ganun. Kaysa in between ang pahinga, parang hindi ko nasusulit ang sarili ko. Wala akong nadi-discover na bago kasi puyat lang din ako." Maliban sa pagtugtog ng gitara, isa rin sa mga frustration ng aktres ang gumuhit. Kaya naman ngayong bakante ang kanyang schedule ay pumasok siya sa isang art class. "Usually ako 'yong taong sobrang daming ideas,' dapat ganito mangyari, dapat ganito gawin natin, [tapos] i-drawing mo nga.' Hindi ako marunong magsketch. So, na-frustrate talaga ako, sabi ko sasali na talaga ako ng art class. Ayon, medyo may konting future na ako... pwede na," masaya niyang paliwanag. Asean International Film Festival and Awards Hindi agad napagtuunan ng pansin ng aktres ang pagkapanalo niya bilang Best Actress sa Asean International Film Festival and Awards para sa pelikulang "Sta Niña" dahil naging abala ito sa ibang trabaho nang malaman ang nominasyon. Patuloy ng aktres, "Nagulat tapos matagal bago nagsink-in sa'kin, eh. Siguro mga after two days pa. Nalaman ko na lang nominated ako one day before. Tapos nung sinabing nanalo ako, focused ako sa ibang bagay, may ginagawa akong soap so parang, hindi totoo 'yan." "Nagpi-paint ako nun, kasi sumali ako sa art class pero hindi ako magaling. Nung siguro after four hours na nalaman ko, naghuhugas na ako ng kamay, talagang dinedma ko lang, talagang hindi nagsink-in," dagdag nito. Bagama't hindi agad naramdaman ng aktres ang kanyang pagkapanalo, masaya at nagpapasalamat naman siya sa nakuhang parangal. Nagwagi ang pelikulang "Sta. Niña" ni Emmanuel Quindo Palo ng iba't-ibang parangal kabilang na ang Best Picture for Drama. Biro pa ng aktres, "Nakakatuwa, sabi ko nga, baka may lason sa aircon nung pinapanood nila yung Sta. Niña na maganda 'yong mood nila or something na parang lahat ng major awards, 'di ba, napunta sa amin." Ang Sta. Niña ang unang full-length film ng direktor. Nauna silang nagkatrabaho sa short film na "Botelya" kung saan nakakuha rin ang pelikula ng mga parangal. "Siguro nga nasa pelikula din kasi 'yong pelikula para sa akin, kahit anong panahon mo panoorin, pwede, eh, classic. Mabigat pero marami siya maiiwan sa iyo na maganda," ani Alessandra. Normal sa telebisyon "Sa TV siguro, kasi sa movies nagagawa ko naman lahat, eh. Sa TV normal na tao, wala pa akong role na normal na tao," batid ni Alessandra nang tanungin siya kung anong dream role nito sa isang palabas. Ayon pa sa aktres, hindi katulad sa telebisyon, mas napaglalaruan ni Alessandra ang kanyang mga ginagampanang karakter sa pelikula. "May formula talaga silang sinusunod, wala kang choice kasi 'yon daw ang hinahanap ng viewers. Well, hindi kasi natin sila binibigyan ng ibang choice, 'cause yun lang ang alam nila, of course," paliwanag pa niya. Sinigurado naman ni Alessandra na mayroon laging pagbabago sa kanya tuwing sasabak sa karakter na gagampanan. "All the time, kailangan may growth ka palagi. Hindi ka pwedeng isang ganyan ka lang all through out kasi magsasawa ka, magsasawa rin sila sa'yo. Eh, 'yon nga, since wala akong ma-change, I changed my hair. Hindi ko naman ma-change ang ugali ko kasi ito na talaga 'yon," paglalahad pa niya. "At saka, iba-iba dapat ang atake. Ako naman, in all fairness to me, lahat ng roles ko iba-iba kapag tiningnan mo. So, iba-iba hitsura pati makeup, pati kulay ng buhok kasi nga pare-parehas lang yung roles ko kaya ako na lang nag-iiba," dagdag pa ng aktres.-- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News