De los Reyes, Falcone, and Magsaysay answer questions on 'Kandidato 2013'
Isang dating konsehal na nangahas tumakbong Pangulo noong 2010 pero natalo, isang dating Senador at anak ng dating Pangulo, at kandidatong minsang idineklarang “nuisance candidate” pero ngayo’y muling tumatakbo. Sila ang tatlong kandidatong sasalang sa matinding pagtatanong nina Arnold Clavio at Howie Severino sa KANDIDATO 2013: SENADOR ngayong Huwebes ng gabi pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.
Tatlong taon matapos matalo sa karera sa pagka-Pangulo, ang pagpasok sa Senado naman ang sinusubukan ni JC De Los Reyes. Anu-ano ang mga aral na kanyang natutunan mula sa pagkatalo noong 2010? Bilang Presidente ng Ang Kapatiran Party, ano ang posisyon niya sa pabubukod ng Simbahan at estado sa gitna ng ilang isyu? Kumusta ang kaniyang relasyon sa kapwa kandidato at tiyuhing si Dick Gordon? Ano ang posisyon niya sa usapin ng anti-political dynasty kung siya mismo ay galing sa angkan ng mga pulitiko?
Walang makinarya, walang pondo at aminadong walang pangalan - si Baldomero “Bal” Falcone, Pangulo ng Democratic Party of the Philippines. Dating sumubok tumakbo bilang Bise-Presidente pero nadiskwalipika. Bakit ba siya tumatakbo? Magkano ang nakalaang pondo para patakbuhin ang kanyang kampanya? Anong klaseng makinarya meron ang kanyang partido? Sa kabila ng kawalan sa maraming pangangailangan bilang kandidato, nananalig ba siyang manalo at makapasok sa Senado?
Dalawang terminong naging Senador at ngayo’y naghahangad makabalik sa puwesto - si Ramon “Jun” Magsaysay Jr., anak ng dating Pangulong Ramon Magsaysay. Ano ang kanyang kasagutan sa pahayag ng pamangking si Mitos Magsaysay na nauna siyang nagpahayag ng kandidatura kaysa sa kanyang tiyuhin? Bilang isa sa mga namuno sa imbestigasyon ng kontrobersyal ng fertilizer fund scam, ano ang kanyang saloobin sa itinakbo ng kaso? Nanininiwala ba siyang may “magic” pa din ang kanilang pangalan?
Muling samahan sina Arnold Clavio at Howie Severino upang kilalanin at kilatisin ang mga kandidato sa pagka-Senador. Huwag palampasin ang KANDIDATO 2013: SENADOR ngayong Huwebes, ika-11 ng Abril pagkatapos ng Saksi sa GMA 7!