Desisyon ng SC sa party-list groups, kinondena; magagamit din daw sa dynasty ng mga pulitiko
Dismayado ang lider ng Solidarity Philippines at Kontra Daya sa naging desisyon ng Korte Suprema na payagang makatakbo sa darating na eleksiyon ang ilang grupo na unang diniskwapilika ng Commission on Elections (Comelec). Ayon kay Rev. Fr. Joe Dizon, lead convenor ng nasabing grupo, ang desisyon ng SC ay pagkiling sa mga mayayaman na ginagamit umano ang party-list system para makaupo sa Kongreso. Dahil sa naturang desisyon ng mga mahistado, nawala na raw ang tunay na diwa ng nasabing batas na mabigyan ng boses sa Kongreso ang mga napapabayaang sektor ng lipunan. Basahin: SC: Party-lists need not represent marginalized sectors "Binago na naman ang rules ng party-list mas pinaboran ang mga mayayaman at makapangyarihan at pinakitid masyado ang kakayanan at oportunidad na ibinigay ng ating Konstitusyon sa mga mahihirap para makasama sa governance," paliwanag niya sa panayam ng Radyo Veritas. Kabilang sa mga pinuna ni Fr Dizon ay ang pagpapahintulot ng SC sa mga regional party na makasali sa party-list elections kahit walang kinakatawan na marginalized sector. "Basta sabihin lang nila na pro poor sila okey na yun. Napakadaling imbentuhin ang mga ganyang posisyon. Pangalawa, hindi na kailangang maging miyembro ng marginalized ang nominee at yung pinakamayaman at pinakamakapangyarihan sa Pilipinas ay pwedeng maging nominee ng mga partylist," batikos pa niya. Nangangamba si Dizon na sa mga susunod na halalan ay magtatatag na rin ng mga sectoral arm ang mga malalaking partido para magkaroon ng pagkakataon na makasali sa party-list election. "Halimbawa (ang) Liberal Party youth, (ang) Nationalista Party women. Yung latest decision ng Supreme Court sa halip na palawakin ang oportunidad para sa mga mahihirap na maka-participate sa democratic process in governance ay mas pinakitid pa," patuloy ni Dizon. Idinagdag niya na gagamitin ding daan ng mga political dynasty ang party-list system para mapatakbo sa halalan ang kanilang kamag-anak sa nasyunal sakaling wala na silang mapaglagyan sa lokal na posisyon. -- MP/FRJ, GMA News