Sikat na TV host na dating 'telonero'
Kilala niyo ba kung sino ang batikang television host at star builder na nagsimula bilang tagalinis sa teatro bago na-promote na "telonero" noong dekada 50? Nagsimulang magtrabaho bilang janitor noong dekada 50 sa sikat noong Clover Theater sa Maynila si German "Kuya Germs" Moreno. Hindi nagtagal, na-promote siya bilang "telonero," na tawag sa tagahawi ng telon o ang malaking tela sa entablado. Dahil sa pagpupursige, patuloy na na-promote si Kuya Germs hanggang sa tagapamahala sa mga palabas sa entablado. Nagsilbing big break sa kanya bilang host ang isang espesyal na palabas nina Dolphy at Panchito sa Life Theater. Dito ay napansin ang kakayahan ni Kuya Germs sa hosting hanggang sa mabigyan siya ng break ng Sampaguita Pictures na lumabas sa pelikula sa unang pagkakataon noong 1962. Unang napanood si Kuya Germs bilang "ektra" sa pelikulang “Susan, Susay, Susie” na pinagbidahan ni Susan Roces. Kasunod nito ay ang pagbuo na sa tandem nila ni Boy Alano hanggang sa magtuloy-tuloy na kanilang karera sa industriya ng showbiz. Ngayong taon ay ipinagdiriwang ni Kuya Germs na kilala rin bilang "Master Showman," ang kanyang ika-50 taong anibersaryo sa showbiz. - FRJImenez, GMA News