Christian Bautista, dumayo sa Loboc, Bohol kasama ang 'Wish Ko Lang'

Official Kapuso na si Christian Bautista at bibida siya sa Wish Ko Lang dahil makiki-isa raw ang balladeer sa pag-sorpresa sa mga batang musikero ng Loboc, Bohol. Sila ang Loboc Youth Ambassador Band, na nabuo noong taong 2007 sa layuning turuan ang mahihirap na bata na tumugtog ng instrumento at maging bihasa sa musika. World class na talento dahil minsan na silang naimbitahan sa ibang bansa. Patuloy ang pagdami ng miyembro nito, patunay na maganda ang nagagawa nito para sa kabataan.
Samantala, ang kahirapan ng kanyang pamilya ang naging inspirasyon ni Glenda para magpursige sa buhay. Iniwan niya ang Cotabato at namasukan sa Maynila. Ngunit hindi raw matutupad ang kanyang pangarap kung kasambahay lamang, kaya pinagsabay niya ang mag-aral at magtrabaho. Ang bunga ng kanyang pagtityaga, siya ngayo’y magtatapos na sa kinuhang vocational course. Wish niya ay sa kanyang graduation, masaksihan ito ng kanyang mga magulang pero wala silang pamasahe, sa katunayan, nagbenta na sila ng kalabaw bilang tulong pambayad na rin sa graduation fees ni Glenda.
Ano kaya ang graduation gift na matatanggap ni Glenda? At si Christian Bautista at mga batang musikero ng Loboc, Bohol, magtatanghal sa isang entablado… Abangan sa Wish Ko Lang, kasama si Vicky Morales sa Sabado, 4:45 PM.