Rotational brownout sa Mindanao, natikman mismo ni Aquino sa Maguindanao
Inabutan ng rotational brownout sa Maguindanao si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III nang makipagpulong siya sa mga kandidato ng Liberal Party sa lalawigan at sa Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) nitong Biyernes. Sa ulat ni Joseph Morong para sa 24 Oras nitong Biyernes, sinabing naantala ang programa at pag-akyat ni Aquino sa entablado nang mawalan ng kuryente sa gymnasium na kinaroroonan nila sa Buluan, Maguindanao. Ang mga nagsisiksikang tao lugar, walang nagawa kundi magpaypay upang maibsan ang matinding init ng panahon. Tumagal umano ng mahigit 15 minuto na walang kuryente sa lugar. Nang muling magka-kuryente, nagpatuloy ang programa pero wala umanong nabanggit si Aquino tungkol sa naranasang brownout na matagal nang idinadaing ng mga mamamayan sa Mindanao. Umaabot ng ilang oras ang rotational brownout sa Mindanao dahil sa kakapusan ng suplay sa kuryente. Isa sa mga panandaliang solusyon sa problema na naiisip ng pamahalaan ay ang pagkuha ng mga generator set. Laks-CMD, nag-endorso Samantala, inilabas na ng partidong Lakas-CMD ang inisyal na listahan ng mga kandidatong senador na kanilang susuportahan para sa darating na halalan sa Mayo. Ayon kay Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, presidente ng Lakas-CMD, susuportahan ng kanilang partido ang mga kandidato ng Team PNoy na sina Aurora Rep. Edgardo “Sonny” Angara at Grace Poe. Samantala, apat naman ang napili nila sa listahan ng United Nationalists Alliance na sina Zambales Rep. Mitos Magsaysay, San Juan City Rep. JV Ejercito, Cagayan Rep. Jack Enrile at re-electionist Sen. Gringo Honasan. Ang anim na kandidato ay pinili umano sa isinagawang executive meeting na dinaluhan ng mga lider ng partido na kinabibilangan nina Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., chairman; Quezon Rep. Danilo Suarez at Maguindanao Rep. Simeon Datumanong, na kapwa vice chairmen ng partido. Mayroon din umanong sinunod na basehan ang partido sa pagpili ng kanilang susuportahang senatorial candidate tulad ng kanilang kakayahan sa pamumuno at pagtulong sa nasasakupan ng kanilang mga miyembro. Apat na kandidato pa ang pipiliin ng liderato ng Lakas-CMD na kanilang ilalabas sa mga susunod na araw. Samantalang ang natitirang dalawang bakanteng kandidato ay ipapaubaya na umano nila sa kanilang mga miyembro na pumili. -- RP/FRJ, GMA News