ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Suspek sa pagpatay at panggagahasa sa isang menor de edad sa Bataan, naaresto na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nadakip na ng mga awtoridad ang suspek sa pagpatay at panghahalay sa isang 12-anyos na babae sa Limay, Bataan noong nakaraang buwan.   Ayon kay Chief Insp. Crizalde Conde, hepe ng Limay police, kinasuhan ng rape at homicide ang suspek na si Salvador Laguerta, 31-anyos, pinsan mismo ng biktima. Inamin umano ni Laguerta sa pulisyana siya ang pumatay at gumahasa kay Arlene Daulat. Idinahilan ng suspek na napagbalingan niya ng galit ang biktima dahil sa mga kasalanan ng kanilang mga nakatatandang kamag-anak. Napag-alaman na kamag-anak din nila ang itinuturong nasa likod ng pagpatay sa ama ng suspek noong 2002. Basahin: Dalagita sa Bataan, natagpuang patay; kinakasama ng suspek, pinaslang din “Ate Lin, pasensiya na kayo sa ginawa ko. Nakokonsensiya ako. Narito na ako sa bilangguan at papanagutan ko ito,” pahayag ni Laguerta patungkol kay Evangeline "Lin" Daulat,  ina ng batang biktima. Kuwento ng suspek, nakita niyang naglalakad mag-isa ang kanyang pinsan kaya dinala niya ito sa boho farm sa sitio Mamala, barangay St. Francis I sa Limay kung saan niya ito ginahasa at pagkatapos ay pinatay. Inamin din ng suspek na nagmakaawa ang kanyang pinsan na hindi magsusumbong pero hindi siya naniwala kaya pinatay na niya ito sa pamamagitan ng pagpukpok ng kahoy sa ulo. “Hindi ako naniniwala na hindi siya magsusumbong kaya tinalian ko siya sa kamay at leeg at pinukpok ko ng kahoy ang ulo niya,” paglalahad ni Laguerta. Natagpuan ang bangkay ni Daulat noong Marso 8, tatlong araw makaraang siyang mawala. “Maganda at maayos ang pagkakatali sa mga kamay ng bata at napuna namin na magkatulad ang pagkakatali ng mga kahoy na panggatong sa bahay ng suspek,” ayon kay Conde. Ikalawang krimen Matatandaan na makaraang makita ang bangkay ni Daulat, lumutang ang pangalan ng caretaker ng boho farm na si Wilfredo Remetio, bilang suspek sa karumal-dumal na krimen. Inimbitahan ng pulisya si Remetio kaugnay sa nangyaring krimen pero sa sumunod na araw ay nakitang patay at may mga saksak sa katawan sa loob ng kanilang bahay sa Brgy St. Francis I, si  Lilibeth Salas, 42-anyos, ang kinakasama ni Remetio.   Sa naunang lumabas na ulat, sinabi ni Nestor Nabaunog, barangay kapitan ng St. Francis II, matagal nang naglilingkod sa kanyang pamilya si Lilibeth bilang labandera. Nang umaga nang araw na makita itong patay, lumapit ito sa kanya upang humingi ng tulong na huwag hayaang makulong si Remetio dahil wala umano itong kasalanan sa pagpatay sa biktima. “Nagpaalam din sa akin na kukuha ng damit sa hulo sa kanilang bahay. Ngunit sinabihan kong huwag pumunta dahil baka mapagbalingan,” ayon sa kapitan. Bago magtanghali nang araw na iyon ay nabalitaan niya na nakitang patay si Salas sa loob ng kanilang bahay. -- Ernie B. Esconde/FRJ, GMA News