ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Nonito Donaire, talo kay Guillermo Rigondeaux ng Cuba


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dalawang gabi lamang ang lumipas matapos niyang tanggapin ang parangal na Boxing Writers Association of America Fighter of the Year, nabigo si Nonito Donaire Jr. sa kanyang laban kay Guillermo Rigondeaux ng Cuba sa Radio City Music Hall sa New York nitong Linggo ng tanghali (oras sa Maynila). Sa unang pagkakataon sa loob ng 12 taon, natalo ang "The Filipino Flash" (31-2, 20 knockouts) sa pamamagitan ng "unanimous decision" laban kay Rigondeaux (12-0, 8 KOs), na naging matagumpay sa kanyang counterpunching scheme sa kanilang super bantamweight unification fight. Matapos ang 12 rounds, nakakuha ng 114-113, 115-112, at 116-111 na iskor si Rigondeaux mula sa tatlong hurado. "The last two rounds I got stupid, I didn't really feel his power until that last round and I got too carried away," ani Donaire, 30. "I have much respect for the beautiful boxing that he gave me. We have to go back to the drawing board."   "I want to go up in the division, I was struggling to make this weight. We'd like to rematch him," dagdag ni Donaire, na nanatiling kampeon ng junior featherweight division (na tinatawag din na super bantamweight division), mula pa noong Pebrero 2012, bago ang kanyang pagkatalo sa araw na ito. Ayon kay Donaire, isa sa mga problema niya ay ang kanyang kaliwang balikat, na umano'y naging balakid din sa kanyang huling tatlong laban. Ayon sa kanya, pinaplano na niyang paoperahan ito. Ikinatuwa naman ni Rigondeaux, 32, ang pagkatanggap niya ng $750,000 – pinakamalaking halaga na nakuha niya mula sa kanyang pagsabak sa boxing. Natutuwa rin siya na nasungkit ang mga titulong WBA, WBO at ang Ring Magazine junior featherweight titles. Samantala, nakatanggap umano ng $1 milyon si Donaire para sa kanyang laban, na ipinalabas sa HBO. "The people that know boxing saw that it was a very good boxing fight," ani Rigondeaux, nang tanungin kung narinig niya ang mga sumisigaw ng "boo" habang patuloy ang laban.     "I made him look the way he looked which was bad, and I looked great," aniya. "You saw it; boxing, moving, frustrating him. He's an excellent fighter and he's got a great punch, but with one shot you can't win a fight." Bago ang pagkatalo ni Donaire, nabigo rin sina Manny Pacquiao at Brian Viloria, ang dalawang sikat na Pilipinong boksingero, sa kani-kanilang pinakahuling mga laro. Donaire: Babawi ako Samantala, matapos ang kanyang pagkatalo, ipinangako ni Donaire babawi siya at pagbubutihan niya ang kanyang susunod na laban. Sa kanyang Twitter account, nagpasalamat si Donaire sa Panginoon at sa kanyang "guardian angels" dahil patuloy umanong pinoprotektahan siya, at pati na rin sa kanyang mga tagahanga dahil sa kanilang suporta. "I tried to give my all and push the fight but we'll be back. I'll come back and do better. For now, I congratulate Rigondeaux," aniya. Sa Malacañang naman, inihayag ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na nananiniwala ang Palasyo na makabangon si Donaire. "Hindi man niya nakamit ang kanyang pakay sa labang ito, naniniwala tayong muling makababangon ang Boxing Writers Association of America's 2012 Fighter of the Year upang patuloy na magsilbing inspirasyon sa kanyang milyon-milyon mga kababayan at tagasuporta," ani Valte sa dzRB. "'Di pa rin natitinag ang suporta natin para sa ating Filipino Flash," dagdag niya. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News