Itinuturong utak sa pagpatay sa isang vice mayor sa Capiz, nakapuslit sa ospital
Nabigo ang mga pulis na maaresto ang umano'y utak sa pagpaslang kay Mambusao, Capiz vice mayor Abel Martinez makaraang makapuslit ito sa ospital kung saan siya nakaratay. Isisilbi sana ng mga pulis ang arrest warrant kay Engineer Leodegario Labao pero hindi na nila ito inabutan sa St. Paul Hospital. Si Labao ay tumatakbong alkalde sa Mambusao, Capiz at itinuturong nasa likod ng pagpatay kay Martinez noong nakaraang taon. Pagdating ng mga pulis sa 5th floor ng ospital, wala na si Labao na pinaniniwalaang dumaan sa isang lagusan sa Intensive Care Unit kung saan siya nakaratay. Nang suriin ng mga pulis ang kopya ng closed-circuit television camera, nakita si Labao na dumaan sa likuran ng ospital at sumakay sa isang kotse. Pinag-aaralan naman ng pulisya kung pananagutan ang ospital dahil sa pagkakatakas ng suspek. Noong nakaraang linggo, isa pang suspek sa pagpatay kay Martinez ang sumuko sa pulisya. Sa limang suspek sa pagpatay kay Martinez, tatlo na ang hawak ng mga awtoridad habang dalawa naman ang hinahanap pa - sina Labao at si Geger Francisco, na itinuturing triggerman. - Bernard Bernal/FRJ, GMA News