Rocco Nacino, magpo-focus sa karakter bilang nawawalang aktibista na si Jonas Burgos
Mula sa pagiging maprinsipyong alkalde sa kauna-unahang Kapuso political series na Bayan Ko, gaganap naman bilang nawawalang aktibista si Rocco Nacino sa The Editha Burgos Story. Si Rocco ang napiling gumanap bilang si Jonas Burgos, ang aktibistang anak ni Gng. Editha, na iniulat na dinukot at hindi na nakita mula pa noong 2007, ayon sa ulat ni Aubrey Carampel sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes. Ayon kay Rocco, nais niyang mag-pokus sa karakter bilang si Jonas kaya makikipag-usap siya kay Gng. Burgos, na gagampanan naman ng premyadong aktres na si Lorna Tolentino. Sa isang presscon, sinabi ni Gng Burgos na hindi inakala na ang hinahangaang si Lorna ang gaganap sa kwento ng kanyang buhay. Masaya daw siya sa mga napiling aktor sa proyekto na ididirek ni Joel Lamangan. Bukod sa pelikula tungkol kay Gng Burgos, magiging abala rin si Rocco sa afternoon series na Unforgettable kung saan makakasama niya muli si Kylie Padilla, na nakatambal niya sa Good Daughter. Samantala, masaya rin si Rocco sa resulta ng first political serye ng GMA na Bayan Ko na nakatakdang magwakas sa darating Linggo, Abril 21. "It's going international...at may balita na magkakaroon ng book two ang Bayan Ko," balita ni Rocco. -- FRJ, GMA News