Isabelle Daza, 'di raw makakalimutan ang confrontation scene nila ng inang si Gloria Diaz
Sa unang pagkakataon, nagkasama sa acting project ang mag-inang Gloria Diaz at Isabelle Daza sa pelikulang Lihis na pinamahalaan ng premyadong direktor na si Joel Lamangan. Sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes, sinabing mag-ina rin ang karakter na ginampanan nina Ms Gloria at Isabelle sa nabanggit na pelikula. Pero sa simula pa lang daw ng kanilang shooting, sinabihan na ni Direk Joel si Isabelle na sa kanya makikinig at hindi sa kanyang ina, na natatawa namang kinumpirma ni Ms. Gloria. Dagdag ni Isabelle, doon niya nakita sa unang pagkakataon na nakinig ang kanyang ina sa isang tao na may awtoridad. Pero labis daw siyang humanga sa kanyang ina nang gawin nila ang confrontation scene. Kwento ni Isabelle, nagkakabisa sila ng kani-kanilang script at hindi sila nag-usap na mag-ina bago kunan ang esksena. Matapos ang isang rehearsal, kinunan na ang eksena at doon niya nakita ang husay ng kanya ina sa pagganap sa karakter. - FRJ, GMA News