4 pang kandidatong senador na susuportahan ng Lakas-CMD, pinangalanan na
Pinangalanan na ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) nitong Miyerkules ang apat pang senatorial candidates na kanilang susuportahan sa darating na halalan sa Mayo. Ayon kay Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, presidente ng Lakas-CMD, ang apat na kandidato ay sina dating Sen. Richard Gordon at Nancy Binay ng United Nationalists Alliance; dating Las Pinas Rep. Cynthia Villar ng Team PNoy at si independent candidate Bro. Eddie Villanueva. Sinabi ni Romualdez na napili ang apat matapos ang isinagawang secret balloting ng National Executive Committee ng Lakas-CMD na ginanap sa Manila Golf and Country Club in Harvard St., Forbes Park sa Makati City. Noong nakaraang linggo, naunang inanunsiyo ng partido ang kanilang pagsuporta kina Aurora Rep. Edgardo “Sonny” Angara at Grace Poe ng Team PNoy; Zambales Rep. Mitos Magsaysay, San Juan City Rep. JV Ejercito, Cagayan Rep. Jack Enrile at re-electionist Sen. Gringo Honasan ng UNA. Ipapaubaya naman ng liderato ng Lakas-CMD sa kanilang mga kasapi sa lokal ang pagpili ng dalawa pang kandidato na nais nilang suportahan sa pagka-senador. Ayon kay Romualdez, inirerekomenda nila na pagpilian ang mga pangalan nina re-electionist Sen. Loren Legarda, dating Sens. Ernesto Maceda at Juan Miguel Zubiri, at dating Tarlac Gov. Margarita “Tingting” Cojuangco. “We have left to the local leaders at least two remaining slots for their discretion. However, it has been the decision of the party leadership to strongly recommend for consideration and inclusion in the two remaining slots the following names; Margarita Cojuangco, Senator Loren Legarda, Ernesto Maceda and Miguel Zubiri,” paliwanag ng lider ng Lakas-CMD. Gayunpaman, sinabi nito na malaya ang kanilang mga local leader na magdesisyon sakaling wala sa nabanggit na apat na pangalan na kanilang inirekomenda ang nais nilang ipampuno sa bakanteng dalawang puwesto. - RP/FRJ, GMA News