'Mayamang' pamilya sa Mandaluyong biktima ng 'Dugo-Dugo' gang
Isa umanong prominenteng pamilya sa Mandaluyong City ang natangayan ng P15 milyon halaga ng salapi at alahas matapos mabiktima ng "Dugo-Dugo" gang madaling aarw nitong Huwebes. Kasalukuyan iniimbestigahan na ng pulisya ang lahat ng miyembro ng tahanan upang maliwanagan sa insidente, ayon sa isang ulat sa radio dzBB. Hindi muna pinangalanan sa ulat ang pamilyang nabiktima, subalit sinabi nito na ang pamilya ay taga-Wack-Wack village. Sa paunang imbestigasyon, tinawagan umano ng isa sa mga suspek ang bahay at kinausap ang isang katulong. Sinabihan daw ang kasambahay na naaksidente ang isang miyembro ng pamilya. Sa utos ng kausap nito sa telepono, agad daw na winasak ng katulong ang safety vault sa bahay at kinuha ang pera at alahas na nagkakahalaga ng P15 hanggang P20 milyon. Agad na humingi ng tulong sa pulisya ang nabiktimang pamilya. Ayon sa pulsiya, ang "Dugo-Dugo" gang ay kadalasang binubuo ng mga manlolokong tumatawag sa mga bahay-bahay upang sabihan ang isang miyembro ng pamilya na naaksidente ang kamag-anak nila. Uutusan ng suspek ang kausap nito na magbigay sa kaniya ng pera o anumang pag-aari ng biktima para gamitin kunwari sa naaksidenteng miyembro ng pamilya. — LBG, GMA News